Arestado ang isang 42-anyos na miyembro ng ‘Commando Gang’ nang tangkain nitong magpasok ng baril sa loob ng Light Railways Transit (LRT) 1 Blumentritt station, kahapon ng umaga.
Dinala sa Manila Police District – Station 7 ang suspek na si Benpress Vijuan, ng No. 362 Dayao Street., Balut, Brgy 133, Zone 11, Tondo, Maynila.
Nabatid kay SG Manuel Mapile, security guard ng LRT 1,na alas- 11 ng umaga nang dumaan sa X-ray machine sa Southbound ng Blumentritt station ang kulay asul na backpack ng suspek.
Nang makitaang may baril ang bag ay kaagad na tinawag ng screeners ang atensiyon nina PSMS Rommel S Alfaro at PCpl Leogen A Valdez na noon ay naka-detail sa nabanggit na LRT station at nagmo-monitor ng bomb threat.
Wala namang maipakitang dokumento ang suspek sa dala nitong ..38 revolver na may nakakargang dalawang bala, kaya’t binitbit siya sa MPD-PS 7.
Sasampahan ng kasong paglabag sa RA 10591 ( Comprehensive Firearm and Ammunition Regulation Act) at BP 881 (Omnibus Election Code) ang suspek sa Manila Prosecutor’s Office.