Latest News

PINSALA NG EL NIÑO, UMAKYAT NA SA P151 MILLION

By: Victor Baldemor Ruiz

UMAKYAT na sa mahigit P151.3 milyon ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura dahil sa nararanasan nang epekto ng El Niño phenomenon sa bansa.

Sa ulat ng Task Force El Niño, ang Western Visayas at Zamboanga Peninsula ang pinaka-apektado sa kasalukuyan, kung saan nasa 4,000 mga magsasaka ang siyang uminda sa labis na tagtuyot.

Batay sa datos ng Department of Agriculture (DA), humigit-kumulang 93% ng pinsala ay sa bigas habang ang natitirang 6% ay sa mais.

Para matulungan naman ang mga magsasakang apektado ang kabuhayan dahil sa naturang weather phenomenon, direktang makakatanggap ng tulong mula sa DA at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang 4,000 magsasaka.

Ipinaliwanag din ng DA ang ilang alternatibong paraan sa pagsasaka para patuloy pa rin silang makapagtanim ng palay gaya ng alternate wetting at drying. Bibigyan din umano ang mga ito ng alternatibong kabuhayan na maaari nilang pagkakitaan gaya ng domestic animals at livestocks.

Bukod sa direktang intervention ay inaayos din ng pamahalaan ang mga irrigation system para sa mga pupuwedeng farmland para matulungan ang mga magsasaka.

Samantala, bumaba sa 41 mula 50 ang bilang ng mga lalawigang apektado ng El Niño phenomenon, ayon sa state weather bureau, kung saan patuloy na nararanasan ang tagtuyot sa Apayao, Benguet, Cagayan, Cavite, Ifugao, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Kalinga, La Union, Mountain Province, Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, Palawan at Pangasinan.

Tinitiyak naman ni Secretary of National Defense Gilberto C. Teodoro, Jr. kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na epektibong kumikilos ang Task Force El Niño katuwang ang mga local disaster risk reduction and management councils (DRRMCs) para mabawasan ang ang epekto ng weather phenomenon lalo na sa kabuhayan.

Sa ginanap na task force meeting na pinamunuan nina Sec. Teodoro na siya ring national chairman ng NDRRMC sa Camp Aguinaldo, kasama si Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Marlo Iringan, ay inalerto ang mga directors ng DRRMCs at mga LGUs kaugnay sa mga gagawing hakbang para makatugon sa epektong dulot ng El Niño.

“Our local chief executives and DRRMCs are in the best position to determine the needs of their communities during crisis and emergencies,” ani Secretary Teodoro. “Effectively addressing the effects of El Niño across the country surely requires all hands on deck.” ani Teodoro.

“As in any disaster or calamity, the provincial, city, municipal and barangay-level DRRMCs should take the lead and get involved,” dagdag pa ni Secretary Teodoro.

Tags:

You May Also Like

Most Read