Kinumpirma ng Department of Foreign affairs (DFA) na nasa kabuuang 77 na ang bilang ng mga Pilipino mula Gaza na nakauwi na sa Pilipinas
Ito’y kasunod ng pagdating sa bansa ng ikalawang batch ng 41 na mga Filipino repatriates, Linggo ng gabi mula Gaza.
Ayon kay Usec.Eduardo de Vega, may 14 pa na mga Pilipino ngayon na nasa Cairo ang nakatakda na ring umuwi ng bansa ngayong Martes.
Sa huling tala aniya, nasa kabuuang 111 ang bilang ng mga Pilipinong nakaalis sa Gaza , mula sa orihinal na 137.
Samantala, kinumpirma ng DFA na binigyan ng isang buwang visa ng pamahalaan ng Pilipinas ang mga Palestinong lumikas sa ban, partikular ang mga Palestinong asawa ng mga Pilipinang umuwi sa Pilipinas mula sa Gaza.
Ayon sa DFA, nasa kamay na ng Bureau of Immigration at ng Department of Justice kung palalawigin ang visa ng mga Palestino.
Sa ikalawang batch na dumating kagabi sa bansa, pito ang mga Palestino at 41 ang mga Pinoy.
Sa ngayon ay nagpapahinga muna sila sa hotel na inilaan ng pamahalaan para sa repatriates na naapektuhan ng bakbakan ng Israel at Hamas militant group.














