Ping Remulla, iprinoklama na bilang Cavite 7th district representative

Iprinoklama na ng Commission on Elections (Comelec) nitong Linggo ng umaga si Cavite Board Member Crispin “Ping” Remulla bilang bagong kinatawan ng ikapitong distrito ng Cavite matapos na magwagi sa katatapos na special polls sa lalawigan.

Ang proklamasyon kay Remulla ay pinangunahan ng mga board of canvassers na sina Atty. Mitzele Veron Morales-Castro, Cavite provincial election supervisor, at Provincial Prosecutor Vivian Rojo at sinaksihan naman ni Comelec chairman George Garcia at apat na iba pang poll commissioners.


Batay sa official count na isinagawa ng Comelec, si Remulla, ng National Unity Party (NUP), ay nakakuha ng 98,474 boto o 66.67% ng kabuuang bilang ng mga botante na lumahok sa halalan na idinaos nitong Sabado.

Pumangalawa kay Remulla ang independent candidate na si Jun Sagun, na nakakuha naman ng 46,530 boto; kasunod sina Lito Aguinaldo, na may 1,610 boto at Mike Santos na may 1,068 boto.

Papalitan ni Ping Remulla ang kanyang amang si Jesus Crispin “Boying” Remulla, na nagbitiw bilang Cavite 7th district representative, matapos na italaga ni Pang. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., bilang kalihim ng Department of Justice (DOJ).


Matatandaang Pebrero 25, 2023, Sabado, nang idaos ng Comelec ang special elections sa ikapitong distrito ng Cavite, na binubuo ng apat na munisipalidad, kabilang ang Amadeo, Trece Martires City, Indang at Tanza.

Sa official canvass ng Comelec, nabatid na ang naturang special elections ay nagkaroon ng voter turnout na 42.11% o nasa 149,581 ng kabuuang 355,184 registered voters ng distrito ang lumabas ng kanilang tahanan at nakiisa sa halalan.


Ito ay mas mababa sa 60% turnout na inaasahan ng Comelec.

Sa kabila nito, ikinatuwa naman ni Garcia na naging mapayapa sa kabuuan ang katatapos na special polls.


Ayon kay Garcia, lahat ng voting machines na maayos na nagamit at walang nag-malfunctioned, bagamat mayroon pa rin namang mga minor technical glitches, na agad rin namang naresolba. (Baby Cuevas)

Tags: Commission on Elections (Comelec)

You May Also Like