BINATI ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si Alexandra Eala sa kanyang “makasaysayan at kamangha-manghang
kampanya” sa 2025 Miami Open.
“Nais naming batiin ang aming tennis phenomenon, si Alex Eala,” ani Pangulong Marcos.
Idinagdag ng Pangulo na ang tagumpay ng Eala sa 2025 Miami Open ay nagpakita sa mundo “kung ano ang kahulugan ng isang atletang Pilipino — determinado, matatag, at walang sinumang aatras sa anumang hamon.”
“Higit sa lahat, ang hindi pa nagagawang tagumpay ni Alex ay nagsisilbing inspirasyon sa lahat, lalo na sa mga
ordinaryong Pilipino na humaharap sa pang-araw-araw na hamon ng buhay na may parehong tiyaga at determinasyon,” dagdag ng Pangulo.
“Kami ay kaisa ng buong bansa sa pasasalamat kay Alex para sa kanyang mga sakripisyo at pagsusumikap sa kanyang paghahanap para sa kaluwalhatian at karangalan. I’m sure that the elusive championship title is within reach soon. Vamos, Alex! Mabuhay ang atletang Pilipino!”
Samantala, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) sa kabila ng pagkatalo ni Alex kay world No. 4 Jessica Pegula ng US sa kanilang semifinal bout noong Biyernes ay ipinagmalaki pa rin siya ng bansa.
“Nalampasan ni Alex ang sunud-sunod na mga pag-urong sa kanyang paglalakbay upang maging isa sa pinakamahusay sa Miami Open 2025. Sa pamamagitan ng kanyang matinding pagpupursige, pinatunayan ni Alex na posible ang anumang bagay,” pahayag ng PCO.
“Kami, mga Pilipino, ay tulad ni Alex. Lahat kami ay matiyaga sa pinakamahirap na kapaligiran. Kami ay umunlad at mahusay sa pinakamalupit na mga kondisyon sa buong mundo.
“Isang napakagandang laban sa iyong ipinakita sa buong mundo. Ngayong Buwan ng Kababaihan, isa na namang Filipina ang nagpakita ng kagitingan ng ating lahi sa buong mundo. Mabuhay ka Alex at ang iyong coach at buong team,” dagdag pa ng PCO .