Latest News

‘PinasLakas’ campaign para maturukan ng COVID-19 booster shots ang 23M indibidwal, ilulunsad ng DOH sa Hulyo 26

Nakatakdang ilunsad ng Department of Health (DOH) sa Hulyo 26, katuwang ang mga local government units (LGUs), ang kampanya na naglalayong makapag-administer ng COVID-19 booster shots sa 50% ng eligible population ng bansa sa susunod na tatlong buwan.

Sa isang pulong balitaan nitong Miyerkules, sinabi ni DOH Officer-In-Charge (OIC) Maria Rosario Vergeire na ang “PinasLakas” campaign ay naglalayong mabigyan ng booster shots ang 23.8 milyong eligible Pinoys sa loob ng unang 100 araw ng administrasyong Marcos.

Ayon kay Vergeire, layunin rin nito na mabakunahan ang 90% ng target senior-citizen population group sa kahalintulad na petsa.


Noong Martes, sinabi ng DOH na kailangan ng pamahalaan na magbakuna ng 397,334 indibidwal araw-araw sa loob ng 60 araw upang maabot ang naturang target.

Ani Vergeire, sa pamamagitan ng PinasLakas campaign, gagawin ng pamahalaan na available at mas accessible ang mga bakuna, maging sa mga palengke, simbahan, malls, transport terminals, offices, mga pabrika, mga plaza at paaralan ang bakuna laban sa COVID-19.


Magbabahay-bahay rin aniya sila upang mas marami pang senior citizens o A2 population ang mabigyan ng bakuna.

Base sa pinakahuling datos ng DOH, nabatid na nasa 71.3 milyong Pinoy na ang fully vaccinated laban sa COVID-19 sa ngayon.


Sa naturang bilang, 15.5 milyong indibidwal ang nakatanggap na ng booster shots. (Jantzen Tan)

Tags: Department of Health (DOH)

You May Also Like