Pinalawig ng Department of Health (DOH) ang PinasLakas special vaccination days ng pamahalaan, na tinaguriang “Bakunahang Bayan” hanggang sa Oktubre 1.
Ito’y matapos na maantala ang nakatakdang launching sana nito noong Lunes, sa ilang lugar sa Luzon, kabilang ang National Capital Region (NCR), bunsod nang pananalasa ng super bagyong Karding.
“Nagpalabas kami kahapon ng department memorandum wherein we have already lifted the suspension in the affected areas in this ‘PinasLakas [Bakunahang] Bayan’. We are going to extend it until Oct. 1,” ayon kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire-Singh, sa isang pulong balitaan nitong Martes.
Matatandaang ang naturang special vaccination days program ay idaraos sana nationwide, simula Setyembre 26 hanggang Setyembre 30, upang paigtingin pa ang COVID-19 booster uptake sa bansa.
Gayunman, nagdesisyon ang DOH na kanselahin ang launching nito sa Luzon dahil sa bagyo, ngunit natuloy naman sa mga rehiyon sa Visayas at Mindanao.
Kasabay nito, iniulat ni Vergeire na sa unang araw ng programa, umaabot sa mahigit 66,500 katao sa Visayas at Mindanao ang nabigyan nila ng first COVID-19 booster shots.
Inaasahan namang madaragdagan pa ang naturang bilang sa pagpapatuloy ng naturang programa.
Base sa pinakahuling ulat ng DOH, nasa kabuuang 73 milyong indibidwal na ang fully-vaccinated laban sa COVID-19 at 19.2 milyon sa mga ito ay nakatanggap na ng booster shots. (Arsenio Tan)














