Nangunguna ang Pilipinas sa online sexual abuse at child exploitation sa buong mundo.
Ito ang inihayag ng mga opisyal sa ginanap na inter-agency press conference nitong Martes sa Malacanang.
Sinabi ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo na malala ang problema ng online sexual exploitation at child pornography sa bansa dahil mismong mga magulang at mga kamag-anak ng mga biktima ang nagvi-video at saka ibinebenta sa mga pedopilya sa internet.
“Malala ho ang problema, number one po tayo. Number one sa child pornography ang Pilipinas. Pag pumunta ka sa isang website about sa mga bata, yung pedophile sa overseas, makikita nyo doon na karamihan mga bata, bagamat walang mga mukha, tinatakpan, binu-blur, pero pinagsasayaw hubo’t hubad yung bata, ang mga kumukuha unfortunately, the videos are being taken by their own parents at ibinebenta,” ani Tulfo.
Mabenta aniya sa mga dayuhan ang mga batang Filipino kaya ang iba ay hindi nakukuntento lamang sa video at bibisita sa Pilipinas, magpapanggap na mga turista para makita ang mga bata.
Isa sa tinitingnan aniyang dahilan kaya lumala ang child exploitation sa mga batang Pinoy ay ang kahirapan na kung minsan ay binibigyang katwiran pa ng mga magulang at kamag-anak ng mga biktima.
“The reason is because of poverty siguro at ang reason din ng mga magulang sa mga social worker namin “hindi naman nakikita yung mukha ng bata eh, hindi naman sila nasasaktan, hindi naman sila nagagahasa”. Pero yung psychological effect noon sa bata is different at tatatak buong buhay niya,” dagdag ni Tulfo.
Nagbabala ang DSWD na makukulong at maparusahan ang mga magulang at mga kamag-anak na mahuhuli at mapapatunayang nagpapahamak sa kanilang mga anak.














