Latest News

PINALAYANG BILANGGO, UMABOT NG 371

MAY kabuuang 371 ‘persons deprived of liberty (PDLs) o mga bilanggo ang mag-uumpisa na ngayon ng bagong buhay makaraang palayain nuong Martes ng pamahalaan mula sa pagkakakulong sa mga jail facilities ng Bureau of Corrections (BuCor).

Sa isang simpleng programa sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na may mga susunod pang batch na inaasahan niyang mapapalaya rin sa mga darating na buwan.


Kabilang sa mga pinalaya ay 31 PDLs na napawalang-sala sa isinampang kaso laban sa kanila; 98 na nabigyan ng parole; dalawa sa ilalim ng probation; at 240 na napagsilbihan na ang kani-kanilang sentensya.

Mula sa nasabing bilang, 191 sa kanila ang mula sa NBP; 37 sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City; 45 mula sa Davao Prison and Penal Farm (DPPF) sa Davao del Norte; 31 sa Iwahig Prison and Penal Farm (DPPF) sa Palawan; 30 sa Leyte Regional Prison (LRP); 18 sa Sablayan Prison and Penal Farm (SPPF) sa Occidental Mindoro at 19 sa San Ramon Prison and Penal Farm (SRPPF) sa Zamboanga City.

Sa mga nasabing PDL, nasa 45 ang pawang mga ‘senior citizen’ na, kung saan 28 sa kanila ay galing sa NBP at ang 13 iba ay sa iba pang bilangguan nagmula.


“Wala akong maalaala na ganitong kalaking numero kasi ito ang sabi nga na pinaka-una. Siguro kung meron man hindi ko siguro panahon noon,” ayon naman kay BuCor Director General Gerald Bantag.

Bukod sa kanila, itinatayang 350 pang pangalan ang ipinadala sa Malacanang para sa ‘pardon’ at pagpapababa ng sentensya na aaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na nagdiwang ng kanyang kaarawan nitong Setyembre 13, kasabay ng pagpapalaya sa mga naturang bilanggo. (Jaymel Manuel)


Tags: Bureau of Corrections (BuCor)

You May Also Like