Latest News

Pinakamataas na voter turnout sa halalan, inaasahang maitatala ngayong taon — Comelec

SA kabila ng COVID-19 pandemic, inaasahang maitatala ng bansa ngayong taon ang pinakamataas na voter turnout sa isang halalan.

Sa isang pulong balitaan nitong Martes, sinabi ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner Marlon Casquejo na hanggang nitong Lunes ng gabi, naitala na nila ang 80.38% voter turnout.

Inaasahan aniyang tataas pa ito dahil hindi pa pumapasok ang datos na mula sa ibang mga lalawigan.

Aniya, nasa 1,000 hanggang 2,000 pang vote counting machines ang hindi pa nakakapag-transmit ng datos.

“Hindi pa siya kumpleto kasi ‘yung ibang province hindi pa kasi tapos. We have around 80.38 voter turnout. So, we are expecting na aakyat pa ‘to kapag tapos na ‘yung iba. Kasi we still have 2,000 plus or 1,000 plus (vote counting machines) na hindi pa nakapag-transmit,” paliwanag ni Casquejo.

Ayon kay Casquejo, ang pinakamataas na naitalang voter turnout sa botohan sa bansa ay noong 2016 elections, kung kailan 81% ng mga rehistradong botante ang bumoto.

“In 2016, that was 81 percent. In 2019, it’s 70 percent something and we are now 80.38 (%), so we’re expecting similar voting turnout but much higher than 2016,” aniya pa.

“Alam naman natin na kapag presidential elections, talagang maraming interisado na bumoto,” dagdag pa niya.

“Siguro sa kagustuhan ng mga kababayan natin na bumoto. They really wanted their vote to be counted. Even in your reports, doon sa Quezon City, ayaw talaga nila iwan yung balota nila because they really wanted to know or gusto nilang makita nila na yung kanilang balota ay binilang,” aniya pa.

Samantala, sinabi naman ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco na ang naturang mataas na voter turnout ay pumawi sa kanilang pangamba na posibleng marami ang mga taong hindi bumoto dahil sa pandemya.

“We have to emphasize that the 80.38 percent that we have right now is during the time of the pandemic. Nawala ‘yung worst fears natin,” aniya. “Remember nung 2016 wala po tayong restrictions. Ngayon po nasa pandemic and still the Filipino people got out of their homes and voted. So kami po ay nagagalak dito sa turn out.”

Ani Laudiangco, maging ang voter turnout sa local absentee voting (LAV) ay record-breaking rin aniya sa 88% at pinakamataas simula noong 2010.

Ang overseas absentee voting (OAV) naman aniya ay nakapagtala ng 34% na voter turnout ngunit umaasa silang tataas pa ito ng hanggang 36 o 37%.

Matatandaang aabot sa 67.4 milyong Pinoy ang nagparehistro upang bumoto sa May 9 national at local elections.

Sa naturang bilang, mahigit sa 84,000 ang sa LAV at 1.679 milyon naman ang sa OAV. (Jantzen Tan)

Tags:

You May Also Like

Most Read