Sisimulan nang ipatupad ang pilot run ng single ticketing system sa National Capital Region (NCR) sa Mayo 2.
Kasunod na rin ito nang paglagda ng 17 mayors sa Metro Manila, Land Transportation Office (LTO), at ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa isang memorandum of agreement (MOA) na magpapatupad ng single ticketing system para sa mga paglabag sa batas trapiko sa rehiyon.
Ang naturang Memorandum of Agreement (MOA) signing ay isinagawa sa Danilo Lim Conference Room ng MMDA New Building sa Pasig City dakong alas-2:00 ng hapon nitong Huwebes.
Bukod sa 17 alkalde ng 16 na lungsod at isang bayan sa NCR, sa pangunguna ni San Juan City Mayor at Metro Manila Council (MMC) President Francis Zamora, dumalo rin sa naturang MOA signing sina Senior Deputy Executive Secretary Atty. Hubert Guevarra, LTO Chief Atty. Jay Art Tugade, MMDA Acting Chairman Atty. Romando Artes, at Sen. Francis Tolentino, na dati ring chairman ng MMDA.
Nilinaw naman ni Zamora na pito lamang munang lungsod ang lalahok sa pilot run ng sistema, na kinabibilangan ng San Juan, Maynila, Quezon City, Parañaque, Muntinlupa, Caloocan City, at Valenzuela City.
Ipinaliwanag naman ni Artes na layunin ng pilot testing na matukoy kung may bahagi ba ng sistema na nangangailangan ng pagbabago upang kaagad itong maisaayos bago tuluyang ipatupad sa buong rehiyon.
Kaugnay nito, nagpahayag ng katuwaan si Zamora at iba pang alkalde sa rehiyon na matapos ang 28-taon ay naaprubahan din ng single ticketing system.
“As President of the Metro Manila Council, I am very happy about the unanimous approval of the Metro Manila Traffic Code which paves the way for the implementation of the Single Ticketing System which has been 28 years in the making but has been finally approved by the current Metro Manila Council,” ani Zamora.
Alinsunod sa Metro Manila Traffic Code of 2023 na nilagdaan ng mga alkalde, tinukoy ang 20 common traffic violations sa Metro Manila at pinag-isa o standardized na multa para sa mga ito.
Kabilang dito ang illegal parking; overloading; defective motor vehicle accessories; dress code violations; obstruction; at disregarding traffic signs, number coding, truck bans, at tricycle bans.
Bukod dito, nilagdaan rin umano ng mga miyembro ng MMC at ng mga government agencies ang isang data privacy agreement para sa pagbabahagi ng impormasyon ng mga motorista.