Hindi sapat ang kakayahan ng Pilipinas para isulong ang nuclear energy sa bansa.
Ito ang inihayag ng opisyal ng Stewardship Office ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) at dapat umanong suriing mabuti ng pamahalaan ang mga posibilidad at magiging epekto sakaling pahintulutan at matuloy ang panukalang nuclear energy sa bansa.
Ayon kay Stewardship chairman, Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo, napatunayan na ang mga nuclear waste sa mga ginawang pagsusuri na mapanganib para sa kalikasan at sa kalusugan ng mamamayan.
Ayon sa obispo, sa halip na nuclear energy, dapat ay higit na pagtuunan ng pamahalaan ng pansin ang pagsusulong sa renewable energy.
Ipinaliwanag ni Bishop Pabillo na malaki ang reserba ng bansa sa malinis na enerhiya tulad ng solar, wind, at hydro energy, kaya makabubuting ilaan na lamang ng pamahalaan ang pamumuhunan dito.
Napag-alaman na aprubado na sa ikatlong pagbasa ang panukalang House Bill 9293 o Philippine National Nuclear Energy Safety Act, na layong makapagbigay ng comprehensive legal framework para sa ligtas na paggamit ng nuclear energy sa bansa.
Magugunita na nilagdaan ng Pilipinas at Estados Unidos ang 123 Agreement o ang Philippines-United States Agreement for Cooperation Concerning Peaceful Uses of Nuclear Energy sa ginanap na APEC Summit sa San Francisco City, California.














