NADAGDAGAN ng dalawang missile armed warship ang military arsenal ng Pilipinas sa ilalim ng umiiral na modernization program ng Department of National Defense at Armed Forces of the Philippines, matapos i-commission mismo ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ang dalawang bagong barko ng Philippine Navy.
Mismong si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang nanguna sa commissioning rites para sa dalawang bagong warship ng Philippine Navy na ginanap kahapon ng umaga sa Naval Operating Base sa Subic, Zambales.
Ang dalawang bagong navy assets ay ang guided missile frigate ang BRP Miguel Malvar (FFG-06) at ang Acero-class fast attack interdiction craft ang BRP Albert Majini (PG-909).
Ang BRP Miguel Malvar (FFG-06) ang una sa dalawang barko na ginawa ng South Korean shipbuilder HD Hyundai Heavy Industries, habang ang BRP Albert Majini (PG-909) ay ginawa sa Philippine Navy Cavite Naval Shipyard sa tulong ng contractor mula sa Israel Shipyards.
Nasa Naval Operating Base sa Subic, Zambales si Pangulong Marcos para pangunahan ang pagdiriwang ng ika-127th anniversary ng Philippine Navy kahapon na may Temang: Addressing Challenges, Promoting Regional Stability and Strengthening Maritime Security,” kung saan naging tampok sa kaganapan ang pagbabasbas sa dalawang bagong biling patrol gunboat– ang PG909 at guided-missile frigate na FFG06 na bahagi ng AFP modernization program.
Kasama ng Pangulo sa aktibidad sina Defense Secretary Gilberto Teodoro, PCO Secretary Jay Ruiz, AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner at Phil. Navy Flag Officer-in-Command Vice Admiral Jose Ma Ambrosio Ezpeleta.














