KINUMPIRMA ni Department to Health (DOH) Secretary Francisco Duque III nitong Huwebes na pinag-aaralan na ng pamahalaan na i-donate sa mga bansang may mababang vaccination coverage ang ilang suplay ng COVID-19 vaccine doses ng Pilipinas ngayong stable na ang suplay ng bakuna sa bansa.
Ayon kay Duque, ang stock ng bakuna ng Pilipinas ay patuloy na nadaragdagan simula pa noong Oktubre 2021.
Marami na rin aniya sa mga ito ang malapit nang ma-expired kaya’t nagdesisyon ang pamahalaan na i-donate na lamang ito sa mga bansang mababa pa ang vaccination coverage.
“‘Yung hindi magagamit at malapit nang mag-expire, ang desisyon diyan ay i-donate sa mga bansang mababa ang vaccine coverage,” ani Duque, sa Laging Handa briefing.
“Maganda naman ‘yang layunin na ‘yan para makatulong din tayo sa mga kapatid natin mula sa ibang bansa na namamayagpag pa din ang COVID-19 pero ang suplay ng bakuna ay kulang na kulang,” aniya pa.
Tukoy na aniya ang mga bansang bibigyan ng bakuna ng pamahalaan gaya ng Myanmar, Cambodia, at iba pang African countries, ngunit inaalam pa kung gaano kadami ang mga bakunang idu-donate sa mga ito.
“Tinitingnan ‘yung Myanmar, Cambodia, at ilang bansa sa Africa. Pero kung ilan ‘yung bakunang mado-donate, ‘yan pa ay binubuo pa ng ating National Vaccination Operations Center (NVOC),” aniya pa.
Idinagdag pa ng DOH chief na ang AstraZeneca ay nag-extend ng tatlong buwan sa shelf life ng kanilang mga near-expiry vaccine doses, ngunit kailangan pa itong aprubahan ng Philippine Food and Drug Administration (FDA).
“Doon sa malapit nang mag-expire, ay na-extend naman, magandang balita. Pumayag naman ang AstraZeneca pero ang FDA na lang ang hinihintay natin para ma-aprubahan ‘yung kanilang extension ng shelf life by three months,” pahayag pa ni Duque.
Binigyang-diin naman ni Duque na ang mga malapit nang mapasong AstraZeneca vaccine doses ay mananatili sa Pilipinas at hindi na isasama pa sa donasyon, sakaling aprubahan ng FDA ang shelf life ng mga ito.
Target ng pamahalaan na makapagbakuna ng may 1.8 milyong Pinoy sa pag-arangkada nitong Huwebes ng ikaapat na bugso ng Bayanihan, Bakunahan sa bansa. (Anthony Quindoy)