Latest News

Pilipinas, itinalagang mangalaga sa Birheng Maria

By: Carl Angelo

Itinalaga na namang muli ang Pilipinas sa mapagkalingang pangangalaga sa Mahal na Birhen, Reyna ng Kapayapaan.

Mismong si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang nanguna sa consecration sa ika-walong araw ng misa nobenaryo ng National Shrine of Mary Queen of Peace of EDSA Shrine nitong Linggo, Pebrero 23.

Ang naturang pagtatalaga, ayon sa Cardinal, ay tanda ng paninindigang patuloy na itaguyod ang kapayapaan lalo na sa kasalukuyang panahon na maraming hamong kinakaharap ang bansa tulad ng hindi pagkakasundo ng mga lider at labis na paglaganap ng fake news.


“The Entrustment to Our Lady of Peace is an expression of our commitment to peace, justice, and good governance,” bahagi ng mensahe ni Cardinal Advincula.

Umaasa naman ang Cardinal na tulad ng Mahal na Birheng buong pusong umawit ng Magnificat para sa katarungan at kapayapaan ng Israel noon ay magkaisa ang mga Pilipino sa pagsusulong ng makatarungan at malayang bansa.


“We cannot be truly pueblo amante de Maria if we are pious and devout in our personal lives but disregard God’s precepts,” saad ni Cardinal Advincula.

Batid din umano ng opisyal ang laganap na fake news sa bansa na kadalasang pinaniniwalaan ng mga ordinaryong mamamayan lalo na ang mga nababasa at napapanuod online.


Dalangin ni Cardinal Advincula na gawing huwaran ang Mahal na Ina sa pagtataguyod ng katotohanang nakabatay sa mga turo ng Panginoon.

“We cannot be truly pueblo amante de Maria if we destroy our land with disinformation, abuse, violence, corruption, and destruction of creation. Maging mapagmahal tayo katulad ni Maria,” pahayag pa ni Advincula.

Ang EDSA Shrine ay itinatag noong 1989 o tatlong taon makalipas ang matagumpay na pag-alsa ng mga Pilipino laban sa dalawang dekadang diktadurang pamamahala ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

“This shrine is a testament to God’s protection and Our Lady’s maternal embrace,” saad ng Arsobispo.

Tags: Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula

You May Also Like

Most Read