Latest News

PILIPINAS, HANDANG MAKIPAG-NEGOSASYON SA JAPAN

KUNG sadyang wala nang pag-asang matuloy pa ang tatlong railway system project na pinapo-pondohan sa China ay nakahanda ang Department of Transportation na makipag-ugnayan sa Japan.

Inihayag ng DOTr na kinokonsidera ng Pilipinas na pumasok sa kasunduan sa bansang Japan para sa pagtatayo ng ilang railway projects, matapos na walang nangyari sa ilang China-backed deals dahil sa kakulangan ng pondo.

Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista, nakipag-talakayan na ang kagawaran sa Japan International Cooperation Agency kaugnay sa posibleng pagpondo sa ilang railways project.


“Actually, we are not limiting our options to China. We can also consider working with Japan and JICA,” ani Bautista, kasunod ng pag-amin na sa katunayan ay nakipagpulong na sila JICA noong nakalipas na lingo.

“We want to see to it that these options are available and it will really fast-track the construction and implementation of these projects because you know, the order of the President for DOTr is full speed ahead,” ani Bautista.

Kaugnay nito, napag-alamang muling nagbalik sa negotiating table hinggil sa tatlong railways project ang Pilipinas at Beijing. Kabilang dito ang PNR South Long Haul Project (North-South Commuter Railway), Subic-Clark Railway and Mindanao Railway (Tagum-Davao-Digos).

Sinasabing naisantabi ang proyekto dahil gusto ng China na baguhin ang napagkasunduang interest rate at gawing three percent na pinaniniwalaan ng dating administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na lubhang mataas kumpara sa Japan loan interest rate na 0.01 percent.


Nangako umano si Chinese Ambassador Huang Xilian kay Bautista na nakatanggap na parehas na kasunduan ang Pilipinas.

“They said that they will see to it that the contractors will give us very competitive rates so that the overall cost of constructing the projects will be cheaper even the interest rates will be a little bit higher,” ani Bautista.

Samantala ay nagkasundo umano ang DOTr at Chinese Embassy dito sa Maynila na muling buksan ang negosasyon sa mga major transportation projects sa bansa.

Una rito, nagkaroon na ng pagpupulong sina Transport Secretary Jaime Bautista at Chinese Ambassador Huang Xilian noong Huwebes.


Base sa Facebook post ng DoTr, pinag-usapan daw ng dalawang opisyal ang muling pagbubukas sa negosasyon para sa major China-funded railway projects gaya ng PNR South Long Haul Project (North-South Commuter Railway), Subic-Clark Railway at Mindanao Railway.

Matatandaang hindi umano inaksiyunan ng Chinese government ang request ng Duterte administration sa loan financing para sa major railway projects,kaya naman maikokonsidera na itong ibinasura kayat kailangan ulit na makipagnegosasyon ang pamahalaan.

Magugunita ring inaprubahan ng National Economic and Development Authority (NEDA) Board ang tatlong railway projects na popondohan ng official development assistance (ODA) loans mula sa bansang China, subalit tumagal ng tatlong taon at ang proyekto ay hindi inaaksyunan ng China.

Dahil dito, agad naman umanong ipinag-utos ng Pangulong Bongbong Marcos na muling makipag-negotiate sa loan agreements para sa mga railway projects. (VICTOR BALDEMOR)

Tags: DOTR

You May Also Like

Most Read