Tiniyak ng Department of Health (DOH) na handa ang Pilipinas sakaling makapagtala muli ng mga kaso ng Nipah virus sa bansa.
Ang pahayag ay kasunod na rin ng ulat na nakakapagtala ng mga bagong kaso ng naturang sakit ang bansang India.
Ayon kay DOH spokesperson at Assistant Secretary Albert Domingo, bagamat bihira lamang ay hindi na rin naman bago ang Nipah virus sa Pilipinas.
Aniya, noong taong 2014 ay nakapagtala na sila ng 17 kaso ng Nipah virus sa Sultan Kudarat na nakuha nila nang kumain ng karne ng kabayo at magkaroon ng kontak sa taong infected nito.
Kabilang sa mga sintomas ng sakit na nakita sa mga pasyente ay trangkaso, ngunit ang ilan sa mga pasyente ay nakitaan ng encephalitis o pamamaga ng utak at meningitis.
Matapos naman ang naturang insidente ay hindi na nakapagtala pang muli ang Pilipinas ng kaso ng Nipah virus. Gayunman, patuloy pa rin aniya itong minu-monitor ng ahensiya, sa pamamagitan ng kanilang Epidemiology Bureau.
“Handa ang ating DOH para sa Nipah virus at iba pang sakit. Sa katunayan, hindi na bago itong Nipah virus sa atin. Nakita na ito noong 2014 pa sa Sultan Kudarat, kung saan nagkaroon ng 17 na kaso. Ang mga naging sintomas ay trangkaso, pero may nagkaroon rin ng pamamaga ng utak o encephalitis at meningitis. Nakuha ito ng mga nagkasakit mula sa pagkain ng karne ng kabayo at paglapit sa taong may sakit,” pahayag pa ni Domingo.
“Pagkatapos po noong 2014 ay hindi na nakita ang Nipah virus, at patuloy na nakabantay ang DOH sa pamamagitan ng Epidemiology Bureau. Noong 2023 lang rin, sa pamumuno ni Secretary Teodoro Herbosa, ay naglabas ng updated guidelines sa pagtugon sa Nipah virus,” aniya.
Paliwanag pa niya, “Ang Nipah virus ay sanhi ng isang zoonotic disease, na ibig sabihin ay nagmumula sa hayop. Karaniwang mga paniki ang pinanggagalingan nito, ngunit maaari ring mahawa ang mga hayop tulad ng baboy at kabayo. Bihira lamang po ito.”
Aniya, unang natuklasan ang Nipah virus sa bansang Malaysia noong 1998. Nakarating rin ito sa Singapore noong 1999 ngunit parehong napigilan ito. Sa kasalukuyan, nagkakaroon ng seasonal outbreaks sa mga bansang Bangladesh at India.
May limang kumpirmadong kaso sa West Bengal, India na kanila na umanong tinutugunan at nasa 100 ang natukoy na close contacts na binabantayan na rin.
“Alam natin ito dahil kasama tayo sa global IHR network ng World Health Organization o WHO. Makakaiwas po tayo sa Nipah virus sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga paniki o iba pang hayop na may sakit. Pinamamainam na kumain ng karne na aprubado ng ating National Meat Inspection Service o NMIS at palaging lutuin nang maigi ang pagkain,” dagdag pa ng DOH.














