NASA pipeline na at nakapagbigay na ng downpayment ang Pilipinas kaya tuloy tuloy pa rin ang gagawing pagbili ng Department of National Defense ng mga Russian Mi17 helicopter kahit pa may economic sanctions na ipinatupad ng Estados Unidos at Europa laban sa Russia dahil sa ginawa nitong paglusob sa Ukraine.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, ang kontrata para sa heavy lift helicopter procurement project ng DND ay nilagdaan na noong Nobyembre at nakapagbayad na ng down payment ang Pilipinas nitong nakalipas na buwan ng Enero.
“The contract was signed last November and down payment was made last January. No, we don’t see any likelihood of being scrapped as of this moment,” mensahe ni Se. Lorenzana sa mga miyembro ng Defense Press Corps.
Sinasabing ang P12.7 bilyon kontrata ay gagawin sa loob ng ilang taon kung saan ang delivery ng unang batch ng 17 units ng Mi17 helicopter ay inaasahan sa loob ng 24 na buwan.
Sa pahayag ng kalihim sa media, sa ngayon ay hindi pa malalaman kung ang nasabing kontrata ay maaapektuhan ng giyera sa Ukraine.
Naniniwala naman ang kalihim na ang pagbili ng Pilipinas ng Russian military equipment ay hindi na sakop ng economic sanctions ng Estados at Unidos at European Union dahil nang lagdaan ang kontra at magkaloob ng paunang bayad ang Pilipinas ay wala pang armadong hidwaan na nagaganap sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Umaasa naman si Lorenzana na mareresolba na ang crisis sa pagitan ng Russia at Ukraine.” We hope the Ukraine crisis is resolved soon,” dagdag pa ni Sec. Lorenzana.
Miyerkules dumating sa bansa ang ang 2 sa 6 na bago at modernong T-129 Atak helicopters na binili ng PAF sa bansang Turkey.
Nasa mahigit P13.7 billion ang halaga ng mga mga nasabing helicopters kasama na dito ang logistical support at training ng mga piloto. (VICTOR BALDEMOR)