SINIBAK ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Dionardo Carlos sa pwesto ang lahat ng mga tauhan ng Pilar Municipal Police Station sa Abra kasunod ng rekomendasyon ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman Saidamen Pangarungan makaraang ilagay ang Pilar, Abra sa under COMELEC control.
Ayon kay Carlos, ipapa ubaya na niya kay Cordillera Regional Director Police Brigadier General Ronald Lee ang gagawing pagpapalit ng mga tauhan sa bayan ng Pilar.
Nabatid na limang araw bago ang nakatakdang National and Local election sa darating na mayo 9, 2022 ay isinama ng COMELEC ang bayan ng Pilar sa may sampung lugar na inilgay sa ilalim ng COMELEC supervision.
Kaugnay sa pagpapalit ng mga pulis sa Pilar, ipinaliwanag ni Pangarungan na inirekomenda ang pagpapalit sa pwesto dahil sa natanggap niyang ulat na “bias” ang local police sa lugar. Bukod dito ay mayroon din umanong presensya ng private armed groups sa area.
Sinabi nina Carlos at Pangarungan ang pahayag na ito sa press conference sa Camp Crame matapos ang send off ceremony ng security forces para sa local and national election sa May 9.
Nabatid na kasabay ng Pilar, Abra ang ang Misamis Occidental sa mga inihabol na area na isinailalim sa COMELEC control.
Una nang idineklarang under COMELEC control ang bayan ng Tubaran at Malabang sa Lanao del Sur. Ang iba pang bayan na isinailalim sa COMELEC control ang bayan ng Buluan, Datu Odin Sinsuat, Datu Piang, Mangudadatu, Pandag, at Sultan Kudarat sa Maguindanao; Marawi City at Maguing in Lanao del Sur.
Sa pulong balitaan matapos ang ginanap na joint send off ceremony sa Camp Crame ipinahayag ni Gen Carlos na nagdagdag sila ng puwersa sa mga nasabing lugar para maiwasan ang anumang karahasan sa araw ng halalan sa Mayo 9.
Binigyang-diin din nito na walang dapat ikabahala ang mga residente sa mga lugar na isinailalim sa COMELEC control. (VICTOR BALDEMOR)














