TAWI-TAWI- NAHARANG ng mga operatiba ng Philippine Navy kasama ang mga ahente ng Bureau of Customs (BOC) ang nasa P160 milyong smuggled na sigarilyo sa isinagawang operasyon sa karagatan ng Tandubas sa lalawigang ito.
Ayon sa pahayag ni BOC Commissioner Bienvenido Rubio, nag-ugat ang operasyon sa impormasyon na kanilang natanggap tungkol sa isang motor banca na may kargang sigarilyo na ipupuslit sa pamamagitan ng Southern Backdoor ng bansa.
Nasa 2,798 master cases ng illegally imported branded cigarettes na nagkakahalaga ng P160 million ang sakay ng nasabat na M/B INDAH NADZ ng mga tauhan ng Philippine Navy.
Sinasabing kinakailangan ng matinding intelligence gathering laban sa mga smugglers dahil lubhang porous ang mga hangganang ng bansa sa bahagin ng Mindanao.
Kaya ito ang madalas na ruta ng mga nagpupuslit ng mga kontrabando at maging ng mga sindikatong sangkot sa human trafficking .
Sa nasabing operasyon, nakipagsanib-puwersa ang Intelligence Group (IG) at Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ng BOC sa mga tauhan ng Patrol Craft 390 ng Navy sa pagsabat sa motor boat na nasa bisinidad ng Baturapac Island.
Sa inspeksyon ng M/B INDAH NADZ, sinabi ng mga awtoridad na natagpuan nila ang bulto bulto ng pinaniniwalaang smuggled cigarettes.














