TINATAYAANG lalagpas sa 200 libong katao ang maapektuhan ng bagyong Goring na muling naging isang Super Typhoon at patuloy na nanalasa sa dulong hilagang Luzon kahapon ayon sa National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC).
Habang sa inisyal report naman ng NDRRMC umaabot nasa P41 million ang winasak ni Typhoon Goring sa imprastraktura sa mga lalawigan ng Cagayan, Mimaropa, Western Visayas, Cordillera habang patuloy pa itong nanalasa sa northern Luzon.
Sa ibilbas na datos ng NDRRMC kahapon ng umaga ay nasa 196,926 katao na ang naapektuhanng bagyo at 35,095 nito ang pansamantalang namamalagi sa mga evacuation centers .
Nabatid na umaabot na sa P7.8 million halaga ng ayuda ang naipagkaloob ng pamahalaan para sa 56,410 pamilya na apektado ng bagyong Goring sa may 832 na mga barangay sa lalawigan ng Ilocos, Cagayan, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Western Visayas, at Cordillera Administrative Region.
Iniulat ng NDRRMC na patuloy pang nadagdagan ang bilang ng mga indibidwal na naapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Goring sa ilang bahagi ng Pilipinas.
Batay sa pinakahuling datos na inilabas ng ahensya, sa ngayon ay mayroon nang isang Indibidwal ang napaulat na nawawala nang dahil sa pananalasa ng nasabing bagyo.
Mula sa naturang bilang, aabot sa 35,095 katao o 9,608 na mga pamilya ang kasalukuyang nanunuluyan ngayon sa 376 na mga evacuation centers habang nasa 13,902 na mga indibidwal naman ang nakikituloy sa ibang lugar.
Samantala, bukod dito ay nakapagtala rin ang NDRRMC ng 134 na mga kabahayan ang nasira kung saan nasa 82 ang partially damaged, habang nasa 52 naman totally damaged.