TATLONG hinihinalang mga bigtime drug personalities sa Pagadian City ang nadakip ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency habang nasa Php 2.3 Million naman ang tinatayang halaga ng droga na nasamsam sa kanila matapos ang isinagawang anti-narcotics operation sa nasabing siyudad.
Sa ulat na ipinarating sa tanggapan ni PDEA Director General USEC Isagani Nerez naglunsad ng buy-bust operation ang mga tauhan ng PDEA Regional Office IX (PDEA RO-9) na nag resulta sa pagsamsam sa may 350 gramo ng hinihinalang shabu sa Barangay Tiguma, Lungsod ng Pagadian kamakalawa.
Ang operasyon na isinagawa dakong alas-2:00 ng hapon ay pinangunahan ng PDEA Zamboanga del Sur Provincial Office sa pakikipagtulungan ng PDEA RO-9 Regional Special Enforcement Team, Pagadian City Police Station, Zamboanga del Sur Provincial Drug Enforcement Unit, Provincial Intelligence Unit-ZDSPPO, Police Drug Enforcement Group 9, Regional Intelligence Unit 9, 1st Cavalry Battalion ng Philippine Army, at Coast Guard Intelligence Group – Western Mindanao.
Nasamsam ng mga awtoridad ang limang heat-sealed plastic pack na naglalaman ng puting kristal na substansiyang hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na 350 gramo. Ang mga droga ay may tinatayang halagang Php 2,380,000.00 batay sa standard drug price.
Kabilang sa mga karagdagang ebidensiyang narekober sa lugar ang ilang brown paper bag na ginamit bilang lalagyan, isang brown sling bag, isang black pouch na may markang “KINETIX,” isang keypad na cellphone, isang motorsiklo na may sidecar (Payong-Payong), at boodle money na may kasamang tunay na Php 1,000 bilang marked money sa operasyon.
Habang ang tatlong drug suspek na nahuli sa buy bust operation ay kinilalang sina Kandaw Sabal Lintongan, 35 taong gulang, isang magsasaka at residente ng Makir, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao; Nor-ain Canda Lintongan, 32, mula rin sa Makir, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao; at Mojahid Canda Tanondong, residente ng Tapodoc, Labangan, Zamboanga del Sur.
Sila ay sasampahan ng kasong paglabag sa Sections 5 (Pagbebenta) at 11 (Pag-iingat) ng Article II ng Republic Act 9165, na mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang matagumpay na operasyong ito ay isa na namang mahalagang hakbang sa patuloy at masigasig na kampanya laban sa ilegal na droga sa rehiyon.