PHLPost, pinagtibay ang suporta para sa kapakanan ng mga empleyado

By: Jerry S. Tan

Muling pinagtibay ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) ang kanilang suporta sa mga empleyado ngayong Araw ng Manggagawa, kasabay ng paglatag ng mga konkretong hakbang para tugunan ang mga pangunahing concerns ng kanilang workforce.

Ayon sa pamunuan ng PHLPost, nasa likod ng bawat matagumpay na delivery ang dedikasyon ng kanilang mga kawani—mula sa mga kartero na umaabot sa pinaka-liblib na lugar ng bansa, hanggang sa mga mail sorter, postal worker, at empleyado sa opisina.


“Para sa amin, ang kapakanan ng empleyado ay hindi lang tungkol sa programa. Ito ay tungkol sa pag-aalaga sa mga taong araw-araw nagpapatakbo ng PHLPost,” pahayag ng Office of the Postmaster General.

Kabilang sa mga hakbang ng ahensya ang libreng medical check-up at health seminars, pati ang pag-institutionalize ng sportsfest para sa kalusugan at pagkakaisa ng mga empleyado.

Para naman sa mga kartero, magbibigay ang PHLPost ng raincoat at boots bago ang tag-ulan.


“Hindi biro ang mag-deliver sa ulan—basa, madulas, at delikado ang daan. Simpleng bagay man, malaking tulong ito sa araw-araw nilang trabaho,” ayon sa ahensya.

Patuloy rin ang pagpapatupad ng area-wide trainings, kabilang ang kamakailang isinagawa sa Northwest Luzon na nakatuon sa customer service at leave policies.




Samantala, aminado ang PHLPost na umiikot sa tatlong pangunahing isyu ang concerns ng kanilang mga empleyado: gasoline allowance, CNA incentive at promosyon.

“Mahahalagang usapin ito, at seryoso namin itong tinutugunan. Hindi rin ito bago sa amin—matagal na namin itong inaaksyunan,” paliwanag ng ahensya.


Sa usapin ng gasoline allowance, kinilala ng PHLPost ang sakripisyo ng mga kartero, lalo na ang paggamit ng sariling motorsiklo para lang maihatid ang sulat at parsela.

“Hindi lang ito allowance—pagkilala ito sa araw-araw nilang sakripisyo,” ayon sa pamunuan.

Inamin din nila na nagkaroon ng aberya sa implementasyon, ngunit naresolba na ito at nailabas na ang nasabing allowance.


Para naman sa CNA incentive, iginiit ng PHLPost na suportado nila ang pagbibigay nito alinsunod sa guidelines ng gobyerno.

Gayunman, may mga kondisyon pa umanong kailangang matugunan.

“May mga requirements nang nakompleto, pero may ilan pa na kailangang masusing pag-aralan. Tuloy ang pakikipag-usap namin sa unyon para sa patas at pangmatagalang solusyon,” dagdag pa nila.

Sa usapin ng promosyon, sinabi ng PHLPost na nagsimula na ang paggalaw sa loob ng organisasyon.

Noong nakaraang Nobyembre, na-regular ang 83 Contract of Service workers, at patuloy ang pagbubukas ng mga posisyon sa iba’t ibang antas, lalo na sa operations.

“Malinaw sa amin: ang appointment ay base sa kwalipikasyon, hindi sa koneksyon,” diin ng ahensya.

Inamin din ng PHLPost na isa sa hamon kinaharap nila ay ang kakulangan sa maayos na daloy ng impormasyon sa loob ng organisasyon.

“May progreso, pero kung hindi ito nararamdaman o nalalaman ng lahat, kulang pa rin. Kaya pinapalakas namin ang komunikasyon para mas malinaw, mas mabilis, at mas consistent ang updates sa lahat ng empleyado,” ayon sa pahayag.

Binigyang-diin ng pamunuan na ang kanilang approach ay nakabatay sa respeto at aksyon.

“Sa PHLPost, simple ang prinsipyo namin: respeto sa oras, respeto sa boses ng bawat empleyado, at aksyon sa kanilang concerns. Hindi sapat ang makinig lang—kailangan may kasunod na aksyon,” ayon sa Office of the Postmaster General.

Sa huli, nagbigay ng mensahe ang pamunuan sa kanilang mga empleyado: “Naririnig namin kayo. Kumikilos kami. At patuloy tayong magtutulungan para maresolba ang mga isyung ito. Magkakasama tayo dito.”

Tags: Philippine Postal Corporation (PHLPost)

You May Also Like