Nagbigay ng babala ang Philippine Postal Corporation (PHLPost) sa publiko laban sa ‘phishing scam’ o mapanlinlang na tawag o mensahe sa cellphone at online.
Ayon sa PHLPost, nakatanggap sila ng mga sumbong na may ilang indibiduwal ang nakakatanggap ng “phishing messages” na kunwari ay magbibigay ng mensahe na meron kang natanggap na parcel at hindi ito maidedeliber dahil sa mali at hindi kumpletong address.
Mayroon rin itong kasamang link na ipapa-click sa potensiyal nitong biktima na magdadala sa kanya sa isang website upang makuha ang kanyang mga personal na impormasyon.
Kabilang umano sa hihingiin nito ay ang iyong buong pangalan, address at maging detalye ng iyong credit card o online wallet.
Kaugnay nito, mahigpit naman ang paalala ni Postmaster General (PMG) Luis Carlos sa publiko na mag-ingat at huwag basta-basta mag-click ng anumang link mula sa di kilalang source.
“Pinapaalalahanan po natin ang publiko na mag-ingat sa mga click bait na modus ng mga scammers,” ayon kay Carlos.
Binigyang-diin ng PHLPost sa kanilang public advisory na hindi ito tumatawag o nagbibigay ng mensahe sa mga kliyente nito para sa anumang transakyong pinansyal.
Ayon pa sa PHLPost, ang mga parsela ay may tracking number na maari nilang i-check sa kanilang website na www.phlpost.gov.ph.
Saad pa ng PHLPost na isang uri ng modus operandi ang “Phishing” upang maakit ang ilang indibiduwal na puntahan ang link at makakuha ng mahahalagang personal o pinansyal na impormasyon sa pamamagitan ng pagpapanggap bilang lehitimong kompanya o indibidwal gamit ang text, tawag, mensahe online at iba pa.
Payo pa ng PHLPost, sakaling makaranas nito, siyasatin muna ang impormasyon at huwag i-click ang link na nakalagay sa mensahe. Huwag din aniyang pansinin ang mga mensahe na hindi kilala ang nagpadala.
Ayon kay PMG Carlos, “Nais din nating pakiusapan ang mga Telcos o Telecommunication companies na gumawa ng paraan upang mablock ang mga hindi kilala o kahinahinalang mensahe na ipinapadala sa cellphone na naglalaman ng mga ganitong uri ng scam ”.
Dagdag pa niya, “paulit-ulit lamang ang modus ng mga scammers sa kanilang panloloko. Nag-iiba lang ng kaunting istilo. Ngunit ang importante dito ay maproteksiyunan ang ating mga kababayan upang hindi tuluyang mahulog sa mga patibong na ipinapain ng mga scammers.”














