Nasugatan ang pitong katao matapos tupukin ng apoy ang makasaysayang gusali ng Philippine Postal Corporation (PhilPost) sa Maynila nitong Linggo ng gabi.
Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), kabilang sa mga nasugatan ay limang tauhan nila na sina FO2 Joel Libutan, 36; FO1 Carlo Abrenica, 24; SFO2 Julio Erlanda, 43; FO2 Jeremy Roque, 30; at FO1 Josaphat Araña 26; habang ugatan din naman ang fire volunteer na si Toto Doslin, 43, at sibilyan na si Elain Dacoycoy, 16.
Sa ulat ng BFP, nabatid na alas-11:41 ng gabi nang magsimulang sumiklab ang sunog sa Manila Central Post Office Building ng PhilPost, sa Liwasang Bonifacio, Magallanes Drive, sa Ermita.
Nagsimula ang sunog sa basement ng apat na palapag na gusali at umabot sa pinakamataas na alarma o general alarm dakong alas-5:54 ng umaga.
Naideklarang fire under control ang sunog dakong alas- 7:22 ng umaga.
Sa pagtaya ng mga otoridad, aabot sa P300 milyon ang halaga ng mga ari-ariang tinupok ng apoy. Inaalam pa naman ng mga otoridad ang pinagmulan ng apoy.
Habang isinusulat ang balitang ito ay hindi pa nagdedeklara ng ‘fireout’ ang mga pamatay-sunog.
Kinumpirma naman ni BFP-National Capital Region chief Fire Chief Superintendent Nahum Tarroza na hindi na mapapakinabanganli dahil ‘totally burned’ na umano ang gusali na isang national historical landmark.