PHILIPPINE NAVY, NAG-DEPLOY NG AIR ASSET PARA SA PITO PANG NAWAWALA SA LUMUBOG NA BANGKA

By: Victor Baldemor Ruiz

Bukod sa marine asset ay nag-deploy na rin ang Philippine Navy ng kanilang AgustaWestland AW109 Helicopter NH434 para tumulong sa nagpapatuloy na search and rescue operation para sa pito pang nawawalang pasahero, kasunod ng nangyaring paglubog ng dalawang motorized banca sa Ilian Bay, Roxas, Palawan .

Unang inulat na may 11 kataong sakay ng dalawang bangka ang nawawala matapos na salpukin ng malalaking alon Miyerkules ng gabi habang naglalayag sa Sulu sea patungong bayan ng Araceli.


Kinabukasan, Huwebes, ay inulat na na-rescue na ang apat na sakay ng isang bangka habang hindi pa rin makita ang isa na may lulan na pitong katao.

Ayon sa Naval Forces Wes, hanggang kahapon ay nagpapatuloy ang isinasagawang search and rescue operations ng Philippine Navy katuwang ang Philippine Coast Guard at iba pang ahensya ng pamahalaan para sa nasabing pitong pasahero .

Sinabi ni Capt. Ellaine Collado, Naval Forces West acting Public Affairs Officer, na malaki ang naitutulong ng naturang aircraft sa isinasagawang search and rescue operations ng mga awtoridad.


Aniya, sa kabila ng weather condition challenges ay tuloy-tuloy ang Naval Forces West sa kanilang operasyon upang matukoy ang kinaroroonan ng mga pasahero.

Kasunod nito, tiniyak ng Philippine Navy na hindi sila titigil hangga’t hindi natatagpuan ang mga biktima.


Tags: Philippine Navy

You May Also Like