PHILIPPINE NAVY PINAKILOS NA PARA MAGHATID NG TULONG SA DAVAO REGION

By: Victor Baldemor Ruiz

BUNSOD ng patuloy na nararanasang mga pag-ulan ay pinakilos na ng Philippine Navy ang kanilang mga tauhan para maghatid ng ayuda sa malalayong lugar na hirap marating ‘by land’.

Sa ulat na ipinarating kay Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Toribio Adaci, Jr., naghatid na ng tulong ang Naval Forces Eastern Mindanao sa pamamagitan ng kanilang BRP Tagbanua para sa mga kababayang naapektuhan ng pagbaha sa Davao Oriental.


May kabuuang 19, 170 family food packs mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) XI ang naihatid nitong Linggo sa mga nasalanta ng pagbaha.

Ito’y matapos na maantala ang relief operations dahil sa pagkasira ng mga daan at tulay, bunsod ng landslides dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan sa mga munisipyo ng Caraga, Lupon at Mati City.

Kaya naman nagpasya ang Eastern Mindanao Command na hingin na ang tulong ng Philippine Navy para magamit ang kanilang mga barko para makapaghatid ng relief supplies sa mga isolated communities sanhi ng mga pagbaha.


Napag-alaman na nakikipag-kooperasyon din ang Naval Forces Eastern Mindanao sa mga ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor sa paghahatid ng tulong sa panahon ng sakuna o emergency.

Kaugnay nito, para maipaabot sa tamang oras ang mga kaukulang tulong ay pinulong din ng Office of Civil Defense ang operating arm ng National Disaster risk Reduction Management Council at ang mga local chief executives ng lalawigan naman ng Davao del Norte.


Nanguna sa naturang pagpupulong si Office of Civil Defense (OCD) Deputy Administrator for Operations Assistant Secretary Hernando Caraig Jr. at OCD Region XI Director Ednar Gempesaw Dayanghirang.

Layon nito na makakuha ng impormasyon hinggil sa kasalukuyang kalagayan ng kani-kanilang bayan dahil na rin sa matinding pagbaha dulot ng masamang lagay ng panahon.


Nag-ikot rin ang mga opisyal ng OCD sa mga itinalagang evacuation centers kasama ang kanilang mga alkalde .

Ayon kay Caraig, bibisitahin rin nila ang ibang lugar sa Davao Region kapag humupa na ang tubig-baha sa lalawigan.

Sa ngayon kasi ay pahirapan pang makapasok ang mga sasakyan at pagpasok ng tulong sa ilang mga lugar dahil barado o sarado ang mga pangunahing kalsada sa lugar.



Sinabi rin ng NDRRMC na P10,912,767 halaga ng tulong ang naipamahagi na sa mga apektadong residente. Ang tulong ay binubuo ng family food pack, modular tents, at iba pang sleeping kit.

Tags: Philippine Navy

You May Also Like