DAHIL sa bahagyang pagluluwag sa ipinatutupad na health protocol bunsod ng bumababang kaso ng COVID -19 sa bansa ay pinapayagan nang makabisita ang mga turista maging ang pamilya ng mga kadete ng Philippine Military Academy (PMA) sa Fort del Pilar sa Baguio City.
Ito ang ginawang pahayag kahapon ng pamunuan ng PMA matapos ang deklarasyon ng Local Government Unit (LGU) ng Baguio City na ibinababa na sa Alert Level 1 ang COVID-19 restrictions.
Batay sa advisory ng PMA na ibinahagi ni 1LT Chin Calima taga pagsalita ng PMA , papayagang makapasok ang mga turista at pamilya ng mga kadete mula alas-8:30 hanggang alas-11:00 ng umaga mula Lunes hanggang Biyernes.
Habang mula alas-8:30 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali naman tuwing Sabado at Linggo.
Dapat lang daw ipakita ang vaccination cards bago makapasok.
Limitado lang sa 300 ang papayagang papasukin kada araw at kailangan ding mahigpit na sundin ang minimum health and safety protocols at bawal ang magpakuha ng larawan sa mga kadete. (VICTOR BALDEMOR)