Napapasabak na nang husto ang 82- man Philippine Inter-Agency contingent na ipinadala ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. para tumulong sa humanitarian mission sa Turkiye kasunod ng magnitude 7.8 earthquake na pinangangambahang aakyat sa 50 libo ang death toll .
Sa ulat na ibinahagi ng Office of Civil Defense, kasalukuyang nagsasagawa ang Philippine Inter-Agency contingent sa Türkiye ng ‘hasty search operations’.
Ayon kay Office of the Civil Defense (OCD) Joint Information Center Head Diego Mariano, ang hasty search ay isang fast- paced methodological process ng paghahanap ng mga biktima ng guho o pagtukoy ng signs of life bago maghukay ng mga debris sa pamamagitan ng kanilang mga dalang instrumento.
Napag- alamang idineploy Philippine Search and Rescue team sa Adiyaman, kung saan sila nagsasagawa ng Hasty search operations katuwang ang mga local rescue team na kanila pang binigyan ng quick lecture hinggil sa proseso ng peligrosong paghahanap ng mga posibleng survivors.
Sa oras aniya na makakita sila ng signs of life ay saka lamang nilang bubungkalin o huhukayin ang mga gumuhong bahagi ng gusali para iligtas ang mga na-trap dito.
Nakapag-set up na rin ang mga kawani ng Department of Health (DOH) ng kanilang field hospital malapit sa ground zero. Sa ngayon, na-assign ang Philippine team sa Adiyaman kung saan may napaulat na 18 mga gusali ang nag-collapse. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)