WALA pang planong magbawas ng pwersa ang Philippine Army sa lalawigan ng Sulu at maging sa Basilan na idineklarang ‘Abu Sayyaf -free area’ na.
“No, It will remain because we still have this role of, to be able to sustain the peace which is very important. The sustaining the peace and making sure development will flow in that area. So confidence building is now on the works,” ani Army Commanding General Roy Galido.
Pormal nang idineklara bilang “ASG-free” o Abu Sayyaf free ang lalawigan ng Basilan, na dati’y kilalang balon ng terorismo o siyang pangunahing pinagmumulan ng mga aktibidad ng Abu Sayyaf Group (ASG).
Ang naturang deklarasyon ay isinagawa matapos ang seremonya na dinaluhan ni OPAPRU Secretary Carlito Galvez, Jr., Special Assistant to the President Antonio Lagdameo Jr. at Basilan Governor Jim Hataman.
Nabatid na may anim na batalyon ng sundalo ang nakatalaga sa Basilan na responsable sa pangangalaga ng kapayapaan sa lalawigan kabilang na ang pagtugis sa nalalabing kasapi ng ASG na paunti na nang paunti, ayon kay Galido.
Sa bilang ng natitirang Abu Sayyaf, “very minimal na lang yun doon. Nabibilang na lang. Kaya lang nagtatago eh. Pag nakita namin, mababawasan yun ulit,” ani Galido, na dating pinuno ng Army Western Mindanao Command.
Ayon kay Galvez, ang deklarasyon ng Basilan bilang malaya mula sa ASG ay isang mahalagang hakbang para sa kapayapaan ng lalawigan.
Inilahad din ni Galvez ang naging papel ng mga operasyong ginawa ng militar at mga peace initiatives sa pagpapahina ng ASG sa Basilan, na dating kilala sa mga karahasan at mga kidnap-for-ransom.
Binigyang-diin nito na ang tagumpay ay hindi lamang bunga ng militar, kundi pati na rin ng mga programa para sa socio-economic development na nagbigay pagkakataon sa mga komunidad na makabangon mula sa epekto ng extremism.














