SUMASABAK ngayon ang 125-strong Philippine Army delegation kasama ang Australian Army counterparts nito sa nagaganap na Philippine-Australia (PH-AUS) Exercise Carabaroo 2024 sa Darwin, Northern Territory, Australia.
Tiniyak ng Philippine Army ang aktibong pakikibahagi nito sa ‘Exercise Carabaroo’ kasabay ng pagsisimula nito.
Nagpadala ang Phil. Army ng delegasyon na binubuo ng 125 na sundalo na pinamumunuan ni Governance and Strategy Management Office (GSMO) Chief Col. Jesus C. Pagala mula sa 5th Infantry Division (5ID).
Ang mga naturang sundalo ay hinugot mula sa iba’t-ibang mga units ng Phil Army na kinabibilangan ng 5th Infantry Division na nakabase sa probinsya ng Isabela, Training and Doctrine Command, Army Artillery Regiment, Army Signal Regiment, Army Support Command, Special Forces Regiment (Airborne), First Scout Ranger Regiment at Combat Engineer Regiment.
Magsisilbing host sa nasabing pagsasanay ang 1st Brigade ng Australian Army para sa 2024 iteration of Exercise Carabaroo.
“It forms part of the broader architecture of Exercise Predator’s Run 2024 which is dubbed as the Australian Army’s most significant littoral training activity of the year.”
Nabatid na bukod sa Australian Army ay makikipagsabayan din ang mga sundalong Pinoy sa mga kinatawan ng Army at Marines contingents mula sa United States, United Kingdom, at Timor Leste sa pagsasanay para sa employment ng Light Littoral Brigade sa northern coast ng Australia.
Ayon kay Phil. Army Spokesperson Col. Louie Dema-ala, magiging bahagi ang mga sundalo ng malawakang training exercises at iba’t-ibang military simulation.
Mahaba na ang kasaysayan ng pagsasamahan ng Pilipinas at Australia lalo na sa military at defense cooperation kung saan nakakatulong ito sa paglinang sa kakayahan at kahusayan ng mga sundalo ng bansa.














