GUMAWA din ng kanilang sariling paghahanda ang Philippine Air Force bukod sa inilatag na seguridad ng DILG at PNP kaugnay sa pagpapabalik kay Alice Guo sa Pilipinas .
Kasunod ito ng ulat na sakaling walang maging suliranin sina Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos at Philippine National Police chief Police General Rommel Francisco Marbil sa pagkuha sa kustodiya at pagpapabalik kay Alice Guo ay idadaan ito sa Villamor Air Base.
Layunin nito na matiyak na magiging maayos at ligtas ang gagawing extradition kay Guo pabalik ng Pilipinas.
Sa gitna ito ng mabilis na pagkalat ng balita na darating sina SILG Abalos at Gen. Marbil kasama si Alice Guo bandang alas- 6:18 ng hapon mula Indonesia at posibleng idaan ang chartered flight sa Villamor Air Base.
Inaasahang aalis sina Interior Secretary Benhur Abalos at PNP Chief PGen. Rommel Marbil kasama si Guo bandang alas una ng hapon nitong Huwebes.
Si Abalos na armado ng senate- issued arrest warrant ay dumating sa Soekarno Hatta International sa Jakarta bandang alas- 2:30 kahapon ng madaling araw kasama si Marbil, upang hilingin sa Indonesia authorities na maibalik nila sa Pilipinas si Guo matapos itong madakip ito sa Tangerang City sa Banten, Indonesia.













