Latest News

PHILIPPINE AIR FORCE MODERNIZATION, ISINUSULONG NI PBBM

KINIKILALA ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos, Jr., ang kahalagahan ng Philippine Air Force para patuloy na maprotektahan ang buong bansa laban sa banta ng terorismo at external security threats bunsod ng geopolitical tensions sa Asia Pacific Region at sa buong mundo.

Sa kanyang pagdalo sa turnover at blessing ceremony ng ground-based air defense system at C295 medium lift aircraft ng Philippine Air Force (PAF) sa Basa Airbase Floridablanca sa Pampanga ay tiniyak ni Pangulong Bongbong Marcos na tuloy tuloy ang modernization program ng Sandatahang Lakas ng Bansa.


Ayon kay PBBM, mahalaga ang papel ng PAF sa pagtataguyod ng kapayapaan at seguridad ng bansa kaya dapat lang na maisa-moderno ang kanilang mga asset para laging maging handa sa anumang pangyayari.

Paglilinaw ni Pangulong Marcos, ito ang dahilan kaya pinalalakas ng gobyerno ang kapabilidad at territorial defense ng bansa, para sa counter- terrorism at internal security.

Bukod dito, sa pamamagitan din ng mga modernong kagamitan ng AFP ay pinalalakas ang kakayahan ng mga sundalo na makapaghatid ng humanitarian assistance and disaster response at mabilis na pagresponde sa panahon ng kalamidad at sakuna.


Nagpasalamat din ang Pangulo sa mga Ambassador sa Pilipinas ng bansang Israel at Spain sa kanilang tulong para mapalakas ang defense system ng bansa at mapangalagaan ang soberanya ng Pilipinas.

Sinabi pa ng Pangulo, kapag may kapayapaan, may katatagan, may pag-unlad ang bansa at mamamayan, lalago ang kalakalan at lumalawak ang magandang pakikipag-ugnayan sa ibang mga kaalyadong bansa.


Dagdag pa ng Pangulo, makakamit lamang ang kapayapaan kung may seguridad at kung alam ng bawat isa na kaya nating protektahan ang ating sarili, ang ating mga ari-arian at mga mahal sa buhay.

Kinilala rin ng Presidente ang sakripisyo ng mga tauhan ng AFP gaya ng naging pahayag nito sa ika- 72 kaarawan ng Philippine Marine Corps kamakailan na patuloy na nagsisilbi at nangangalaga sa kasarinlan ng bansa. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)


Tags: Jr., Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos

You May Also Like