MAKIKIPAGSABAYAN ang Philippine Air Force sa Japan Air Self-Defense Force sa gaganaping joint training exercise sa pagitan ng dalawang hukbong panghimpapawid.
Ayon kay PAF Spokesperson Col. Ma. Consuelo Castillo, ang training exercise ay tatawaging Doshin-Bayanihan 2024 na isasagawa mula ngayong araw, October 2 hanggang October 6 sa Brigadier General Benito Ebuen Air Base, Lapu-Lapu City, Cebu.
Layon ng pagsasanay na mapalakas ang interoperability at mapalalim ang kooperasyon sa dalawang pwersa partikular sa larangan ng Humanitarian Assistance and Disaster Response.
Lalahukan ito ng nasa 150 mga tauhan ng mga hukbo na makikibahagi sa iba’t-ibang pagsasanay tulad ng Simulated Airdrop Flight Training, Load/Offload Training, Aeromedical Evacuation Exercises at Subject Matter Expert Exchanges.
Magsasagawa rin ng deployment ang parehong pwersa ng tig-isang C-130 Cargo Aircraft para sa pagsasanay.
Ang Doshin-Bayanihan ay sumasalamin sa tumitibay na relasyon ng Pilipinas at Japan, na hindi lamang nagpapalakas ng defense capabilities kundi nagpapalawig din sa kanilang Humanitarian Assistance and Disaster Response efforts para sa rehiyon.














