Tinitiyak ng Department of Health (DOH), bilang tagapangasiwa ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na magpapatuloy ang mga benepisyong pangkalusugan ng national health insurance agency kahit mayroon man o walang subsidiya mula sa paparating na General Appropriations Act. Patuloy na magagamit ang lahat ng inpatient, outpatient, at mga special benefit packages nito.
Mula noong Agosto 2024, inaprubahan na ng PhilHealth Board ang mga bago o pinahusay na benepisyo para sa hemodialysis, peritoneal dialysis, dengue, PhilHealth Konsulta, at mga atake sa puso. Inaprubahan din nito ang pagbayad ng mga benepisyo para sa mga bihirang sakit, oral/dental health, physical medicine and rehabilitation kabilang na ang mga kagamitan tulad ng wheelchair at pati kidney transplantation.
Nakasalang na rin ang lima pang bago o pinahusay na benepisyo para ma-aprubahan bago mag-pasko, kabilang ang para sa emergency care, salamin para sa mga bata, pagtaas muli ng mga case rates, open heart surgery, heart valve repair o replacement,at cataract extraction, lalo na sa mga bata.
“Trabaho ng PhilHealth na bayaran ang mga benepisyong pangkalusugan ng mga miyembro nito, mayroon man o walang subsidiya mula sa General Appropriations Act,” ani Secretary Teodoro Herbosa.
“Binasa namin ang financial statements ng PhilHealth kasama ang napag-alamang performance nito, at kumpiyansa ang DOH na mayroon itong sapat na pera para ipagpatuloy at pagandahin pa ang kaniyang operasyon,” dagdag ng Health Chief na siya ring Chair ng PhilHealth Board.
May kumpiyansa ang DOH na may cash on hand ang PhilHealth para magpatuloy at mapabuti pa ang paghahatid ng benepisyo sa susunod na dalawa hanggang tatlong taon. Ang kabuuang paggasta sa benepisyo noong 2023 ay nasa PHP 74 bilyon. Mula Enero 1 hanggang Setyembre 30, 2024, na may tatlong natitirang buwan na lamang hanggang sa katapusan ng taon, ang paggasta sa benepisyo ay tinatayang nasa P135 bilyon.
Sa pagtatapos ng 2023, ang naipon nitong netong kita ay naitala na P463.7 bilyon. Kasunod ng Universal Health Care Act, nakakuha na ang PhilHealth ng Reserve Fund na P280.6 bilyon para sa dalawang taong halaga ng benepisyo at iba pang gastusin nito. Nabilang ng social health insurance agency ang surplus fund balance nito na hindi bababa sa P183.1 bilyon sa simula ng 2024.#