NAKAHANDANG tumulong ang Philippine Navy sa paghahanap sa 34 ‘missing sabungeros‘ na sinasabing pinatay at inilibing sa Taal Lake at para NA din ma-validate ang ginawang pagbubunyag ni ‘Alyas Tisoy’ hinggil sa mga pinaghahanap na cockfighting afficionados.
Ayon kay Navy Spokesman Capt. John Percie Alcos, handa silang tumulong sa mga investigating agencies ng gobyerno kaugnay sa paghahanap ng mga bangkay ng 34 na missing sabungero na sinasabing inilibing umano sa Taal Lake matapos patayin sa sakal, gamit ang cable wire.
Kasunod ito ng pahayag ni DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla na plano nilang hingin ang tulong ng mga technical divers ng Phil. Navy at Philippine Coast Guard para sa ‘search and retrieval operations’ sa mga labi ng naturang mga biktima, subalit nabatid na hanggang kahapon ay wala pang natatanggap na pormal na koordinasyon ang Hukbong Dagat ukol dito.
Sinisiguro din ng Phil. Navy na laging nakahanda ang kanilang hukbo na tumulong sa iba pang ahensya ng pamahalaan kung kinakailangan.














