NASA Honolulu, Hawaii na ngayon ang BRP Antonio Luna (FF151) lulan ang Naval Task Group 80.5 at naghahanda na sa pagsabak sa Rim of the Pacific (RIMPAC) Naval Exercise.
Ayon kay Commander Benjo Negranza, Director ng Naval Affairs Office na habang papasok sa Pearl Harbor ang contingent ng Naval Task Group 80.5 at crew ng pinakabagong missile-equipped frigate embarked AW109 helicopter ng Navy ay nag-man the rail at sumaludo habang dinaanan ang USS Missouri at USS Arizona memorial bilang pagpupugay sa mga bayani ng World War II.
Ang Philippine Contingent ay sinalubong ni Captain Mark Sohaney USN, ang Commanding Officer ng Joint Base Pearl Harbor Hickam kasama si Philippine Navy Liaison Officer to Hawaii, Captain Aldrin Doctor at RIMPAC coordinators mula sa Royal Australian Navy at US Navy.
Nagpasalamat naman si Captain Charles Merric Villanueva, ang Commanding Officer ng BRP Antonio Luna at NTG 80.5 Commander sa mainit na pagtanggap.
Ang RIMPAC na magsisimula sa June 29 hanggang August 4, ang pinakamalaking naval exercise sa buong mundo na sasalihan ng 27 bansa, sa pangunguna ng Estados Unidos.
Nabatid na bukod sa US at Pilipinas ay kasali rin ang mga hukbong dagat ng Australia, Brunei, Canada, Chile, Colombia, Denmark, Ecuador, France, Germany, India, Indonesia, Israel, Japan, Malaysia, Mexico, Netherlands, New Zealand, Peru, Republic of Korea, Singapore, Sri Lanka, Thailand, Tonga, at United Kingdom.
Sangkot sa gaganapin biggest maritime drill ang 38 barkong pandigma, apat na submarines, 170 aircraft at mahigit sa 25,000 naval personnel. (VICTOR BALDEMOR)














