MISMONG si AFP Balikatan 2024 executive agent Col. Michael Logico, ang nagpahayag na ngayong taon ay nakikipagsabayan ang Philippine Coast Guard sa Joint Maritime activities kasama ang U.S Coast guard kaugnay sa gaganaping PH-US war games.
Ipinag-utos na ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan sa Coast Guard Fleet nila na ihanda ang anim na barko na isasabak sa 39th Iteration ng taunang “Balikatan Exercise” na pasisimulan sa Lunes, April 22, 2024.
Ayon kay PCG Spokesperson Rear Admiral Armando Balilo, ito ang kauna-unahang pagkakataon na sasali ang Coast Guard sa actual na “Balikatan Exercise.”
Nabatid na noong nakaraang taon ay nagsilbing maritime patrol ang PCG sa panahon ng balikatan marime exercise kung saan binantayan nito ang mga posibleng sagabal. mga banta, at maiwasan ang mga interlopers sa isinagawang war games.
Kabilang sa mga gagamitin ng PCG sa Balikatan Exercises ay ang apat na 44-meter multi-role response vessels at ang dalawang malaking patrol vessels.
Ang mga nasabing barko ang regular na ginagamit sa maritime security operations ng exclusive economic zones (EEZ) ng bansa.
Inatasan na rin ng PCG ang mga miyembro ng Coast Guard Special Operations Force na lumahok sa joint interoperability exercises.
Maliban sa PCG, kasama ring sasali ang Philippine Navy at kanilang mga counterparts mula Australia, France at U.S. sa gaganaping Balikatan Exercises 2024 sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
“For the first time, the drills will go beyond the Philippines’ territorial waters, which extend about 22 kilometres from its coastline, “ pahayag pa ni Col. Michael Logico.
Ayon kay Balikatan Exercises 2024 Spokesperson, nasa 16,770 na mga indibidwal ang inaasahang lalahok sa naturang bilateral exercises.
Hindi pa aniya kasama rito ang ilang tauhan ng PNP at PCG na Kasama rin sa naturang military exercises, gayundin ang mga bansang Australia, France, at marami pang iba.
Aniya, kabilang din sa mga isasagawang aktibidad sa Balikatan Exercises 2024 ay ang pagkakasa ng group sail kung saan makikiisa rin ang PCG at United States Coast Guard.














