BAGO opisyal na nanumpa kahapon sa Malacañang si Police Lt General Rodolfo Azurin bilang ika-28 Philippine National Police chief ay nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat si outgoing PNP Officer-in-Charge PLt. Gen. Vicente Danao, Jr., sa lahat ng tumulong at naging parte ng 11 linggo niyang panunungkulan sa Pambansang Pulisya.
Sa statement ni Danao, inihayag nitong hindi makakamit ang “long lasting peace and order situation” sa bansa kung wala ang kooperasyon ng bawat isa.
Nagpasalamat din ang opisyal sa 226,000 PNP uniformed and non-uniformed personnel sa kanilang dedikasyon sa kanilang tungkulin.
Isa sa mga legacy na iiwan ni Danao ang naging matagumpay na pagsasagawa ng National and Local Elections, maayos at mapayapang inauguration ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., gayundin ang kaniyang kauna-unahang State of the Nation Address.
Kasunod nito, hinihikayat ni Gen. Danao ang hanay ng PNP na ibigay ang buong suporta kay bagong talagang PNP chief Azurin, Jr. na opisyal nang pinanumpa ni pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. bilang kanyang kauna-unahang PNP chief na kanyang itinalaga .
Pasado alas-3 ng hapon nang isinagawa ang arrival honors, ang oath-taking at assumption of office ceremony para sa bagong hepe ng PNP.
Si Azurin ay opisyal na manunungkulan sa August 8, kasabay sa pagdiriwang ng PNP Police Service Anniversary .
Nakaabang din ngayon ang ilang sektor kung anong mga pagbabago ang isusulong ni Azurin at kung magpapatupad ba ito ng balasahan o magtatalaga ng kanyang mga tao sa mga sensitibong posisyon
Inaasahang mananatili pa rin sa kanyang Command Group sina PNP Deputy Chief for Administration, Lt. Gen. Rhodel O. Sermonia na mistah nito sa PNP Maktao Class of 1989; si PNP Deputy Chief for Operations, Lt. Gen. Vicente D. Danao Jr. ng PMA ‘Sambisig’ Class of 1991 at Lt. Gen. Jose Chiquito M. Malayo, na kaklase rin niya mula PMA Class 1989. (VICTOR BALDEMOR)














