By: JANTZEN ALVIN
Ibinasura ng Court of Appeals (CA) ang petisyong inihain ng Sonshine Media Network International (SMNI) kung saan hiniihiling nitong pigilan ang 30-araw na suspension order na inisyu ng National Telecommunications Commission (NTC) dahil sa paglabag umano ng network sa franchise terms.
Sa limang- pahinang resolusyong inilabas noong Enero 4 pero ngayon lamang isina- publiko, ibinasura ng 14th Division ng CA ang “petition for certiorari and mandamus with the application for a temporary restraining order and/or preliminary injunction ” na inihain ng Swara Sug Media Corp, na nagne-negosyn ng broadcasting sa ilalim ng SMNI sa pamamagitan ng abogadong si Atty. Rolex Suplico.
Ayon sa CA, ang petisyon ay kaagad na ibinasura dahil sa pagkabigo ng SMNI na maghain ng motion for reconsideration sa NTC bago naghain sa CA ng petition for certiorari, prohibition and mandamus.
“Petitioners may not arrogate to themselves the determination of whether a motion for reconsideration is necessary or not,” ayon sa CA.
Sinabi ng CA na ang NTC ay hindi binigyan ng oportunidad na maituwid kung anuman ang kanilang pagkakamali na tinutukoy ng petisyuner.
“Thus, their failure to file a motion for reconsideration before filing the present petition is a fatal infirmary,” dagdag pa ng CA.
Sa kanilang petisyon, sinabi ng SMNI, ang broadcast media arm ng Kingdom of Jesus Christ na pinamumunuan ni Pastor Apollo Quiboloy, na nilabag ng NTC ang.Konstitusyon nang ipag-utos nito ang suspension base sa resolusyon ng House of Representatives.
Ang suspension order ay nag-ugat sa House Resolution 1499,na nagsasaad na nilabag diumano ng SMNI ang probisyon ng prangkisa nito, partikular na ang Section 4 na pumipigil sa network sa paggamit ng pasilidad nito sa maling impormasyon.
Ang kautusan ay matapos ang alegasyon nina SMNI hosts Lorraine Badoy at Jeffrey Celiz na gumastos si Speaker Martin Romualdez ng P1.8 bilyon sa kanyang foreign travel sa pagitan ng Enero at Oktubre,2023, na napatunayang hindi totoo.