Petisyon ng PISTON, kinontra ng Pasang Masda sa SC

By: Anthony Quindoy

Kinontra ng isang transport group ang petisyong inihain ng Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) sa Supreme Court(SC) laban sa Public Utility Vehicle modernization program.

Ito ay matapos na maghain ng motion for intervention ang Pasang Masda na nagpapakita ng kanilang suporta sa PUV modernization program ng gobyerno.


Sa mosyong inihain ni Pasang Masda president Obet Martin, nakasaad ang kanilang komento at oposisyon sa petisyon laban sa modernization program ng karibal na transport group na PISTON.

Napag-alaman na bago ang consolidation deadline noong Disyembre 31,2023 ay naghain ng kanilang petition for certiorari ang PISTON, kung saan hinihiniling nila sa SC na. magpalabas ng temporary restraining order laban sa gobyerno.

“Wherefore, it is most respectfully prayed that the intervenors be allowed to intervene in this action and the attached opposition-in-intervention be admitted,” ayon sa Pasang Masda at iba pang transport groups sa kanilang petition.


Sinabi ni Martin na co-petitioner nila ang Alliance of Concerned Transport Operators or ACTO, Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP) at Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTOPDAP).

“Kung sinasabi nilang mahal, ang pagpili po, ang choices nasa cooperative, nasa korporasyon. Marami na ho ngayong murang mga modern jeepneys compliant sa Philippine National Standards kagaya ng isang supplier na halos P1 million na lang po ang halaga,” dagdag ni Martin.


Sa ilalim ng PUV modernization program, ino-obliga ang mga jeepney operators na pag-isahin ang kanilang prangkisa sa isang ‘single franchise’ sa ilalim ng kooperatiba hanggang noong Disyembre 31,2023, kung saan tatanggalan ng prangkisa ang mga mabibigong sumunod.


Tags: Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON)

You May Also Like

Most Read