IBINASURA ng Manila Regional Trial Court (MRTC) Branch 40 ang petisyon para sa temporary restraining order at writ of preliminary injunction na isinampa ni Councilor Joel Villanueva laban kay Vice Mayor Yul Servo at mga konsehal mula sa Asenso Manileño, ang dominant at ruling local party sa Maynila.
Ayon kay Manila Congressman Rolan Valeriano (2nd district), isa sa matataas na opisyal ng partido, binigyang-kredibilidad ng korte ang mga isinumiteng dokumento at testimonya ng Asenso Manileño councilors at aniya, si Villanueva sampu ng mga konsehal na hindi kaanib ng ruling party, ay nabigong magprisinta ng sapat na ebidensya para pagtibayin ang kanilang petisyon na pigilan ang reassignment ng mga committees sa Manila City Council.
“Habang lubog sa baha ang Maynila at humahagupit ang bagyo, nasaan ang mga ‘konsehal’ na ito? Hindi nagpakita. Hindi tumulong. Imbes na gampanan ang tungkulin, mas pinili nilang gumawa ng eksena sa media. Panay acting na kunwari inapi sila. Manang-mana talaga sa sinasamba nilang poon ng Yabang’s Choice,” ayon kay Valeriano.
Sa kabila ng mga hakbang na posibleng gawin ng parehong panig, sinabi ni Valeriano na tagumpay na maituturing para sa Asenso Manileño ang desisyon ng korte.
“Asahan na natin ang susunod nilang galaw — paninira, fake news, chismis, at pagbaluktot sa katotohanan. Ganyan na ganyan ang style nila,” ani Valeriano.
“Their obstructionist stance toward Asenso Manileño in the City Council failed miserably. Their attitude and work ethic on local governance show how they intend to block future decisions of the City Council and stand in the way of public service and progress,” dagdag pa nito.
Tiniyak ni Valeriano sa mga taga-Maynila na sa kabila ng ilang ulit na pagtatangka ng kanilang kalaban sa pulitika ay hindi papayagan ng administrasyon nina Mayor Honey Lacuna at Servo na madiskaril ang paghahatid ng pinakamahusay na serbisyo sa mamamayan ng Maynila.
“Sa kabila ng mga balakid na pilit inihaharang ng mga kampon ng Yabang’s Choice sa Konseho ng Maynila, kami po sa Asenso Manileño ay hindi magpapatinag sa pagtupad ng aming mandatong pagsilbihan ang mga Manileño. We will overcome evil,” deklarasyon ni Valeriano.
Sinabi ng MRTC Branch 40 sa desisyon nito na ‘denied’ o ibinabasura ang petisyon nina Villanueva dahil sa kawalan ng merito.