Ibinasura ng Supreme Court En Banc ang petisyon ng dalawang grupo laban sa Japan-Philippines Economic Partnership Agreement (JPEPA).
Nabatid sa desisyon ng SC En Banc na isinulat ni Sr Associate Justice Marvic Leonen na ibinasura nila ang pinagsamang petition for certiorari and prohibition ng mga grupong Initiatives for Dialogue and Empowerment through Alternative Legal Services Inc(IDEALS) at Fair Trade Alliance (FTA).
Napag-alaman na ang JPEPA ay komprehensibong kasunduan na nilagdaan noong 2006 sa pagitan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at Japanese PM Junichiro Koizumi na niratipikahan ng Senado noong 2008
Layunin umano ng kasunduan na mapataas ang oportunidad para sa kalakalan at pamumuhunan sa pagitan ng Japan at Pilipinas, gayundin ang pagpapalakas sa relasyong pang-ekonomiya sa pamamagitan ng paghikayat ng mas maluwag na pagpasok ng mga produkto, serbisyo at kapital.
Gayunman, kinuwestiyon ito ng IDEALS sa petisyon at sinabi nilang labag sa karapatan sa kalusugan ng tao at balanced ecology na itinatakda ng Konstitusyon ang kasunduan dahil sa walang habas na importasyon ng nakalalason at mapanganib na basura sa Pilipinas.
Sa petisyon naman ng Fair Trade, iginiit nila na hindi patas ang kasunduan na pabor lamang sa Japan
Samantala, sa desisyon ng SC ay sinabi ng mga mahistrado na hindi magdudulot ng walang kontrol na importasyon ng hazardous at toxic wastes sa Pilipinas ang JPEPA
Binigyang -diin pa ng SC na sapat ang proteksyon sa kasunduan sa usapin ng pagmamay-ari, exploration, development o paglinang at paggamit ng natural resources
Sa isyu naman ng pag-aalis o pagbawas ng taripa, ipinasa na ng Saligang Batas ang tungkulin dito sa political branch ng gobyerno.














