Pertussis cases, bumababa na, ayon sa DOH

By: Philip Reyes

Inihayag ng Department of Health (DOH) na bumababa na ang mga kaso ng pertussis sa bansa.

Naobserbahan umano ang pagbaba ng pertussis cases o ubong dalahit, mula Mayo hanggang Hunyo at ayon pa sa DOH, dumating na sa bansa ngayong buwan ang may 500,000 doses ng DPT-Hep B-HiB o Pentavalent vaccine at kasalukuyan nang nasa cold storage ang mga ito.


Isinasapinal na lamang umano ng DOH ang mga paperworks upang kaagad nang maipamahagi ang mga ito sa mga government health centers nationwide.

Inaasahan rin umano ng DOH na may karagdagan pang 750,000 doses ng Pentavalent vaccines na nakatakdang dumating sa bansa sa susunod na linggo.

“Despite the lower number of new cases per week for almost two months now (around 50 cases per week) compared to around 300 cases per week last April, the DOH continues to deliver on its promise to follow-through with routine vaccination of infants and children,” anang DOH.


Inatasan na rin umano ni Health Secretary Ted Herbosa ang mga kinauukulang DOH units na tiyaking ang balanse ng mga doses ay kaagad na maide-deliver.

Sa datos ng DOH, nabatid na nananatili namang mababa ang case trends ng naturang sakit na nasa 131 cases mula Hulyo 7-20; 77 cases mula Hulyo 21 hanggang Agosto 3; at 19 cases mula Agosto 4- 17.


Nasa apat na rehiyon lamang din umano ang nag-ulat na nakapagtala ng pagtaas ng mga kaso sa nakalipas na anim na buwan mula Agosto 17, kabilang dito ang Cagayan Valley, Metro Manila, Western Visayas at Davao Region.

Sa ngayon ang kabuuang bilang ng pertussis sa buong bansa ay nasa 3,827, mula Enero hanggang Agosto 17. Ito ay 13 ulit umanong mas marami sa 291 kaso lamang na naitala sa kahalintulad na petsa noong nakaraang taon at karamihan umano sa mga kaso ay naitala noong mga buwan ng Marso at Abril.


Samantala, nagpaabot naman ang DOH ng pasasalamat sa lahat ng Local Government Units (LGUs) sa kanilang pagsusumikap na masugpo ang pertussis at measles cases sa bansa, sa pamamagitan ng focused vaccination campaigns at community engagements.

“President Marcos Jr. told me not to stop once cases are down, but to ensure that vaccination continues – routine this time – to ensure that a spike of Pertussis will not happen again,” ani Herbosa. “The contracted supplier has started delivery of the Pentavalent vaccines that will protect young Filipinos starting six weeks of age. DOH will ensure that all the ordered doses will get to government health centers at the soonest.”



Tags: Department of Health (DOH)

You May Also Like