PERTUSSIS AT NASAWI DAHIL DITO, TUMAAS

By: Jaymel Manuel

INIHAYAG ng Department of Health (DOH) na nakapagtala ito ng pagtaas ng pertussis cases sa bansa habang nadagdagan rin ang mga pasyenteng binawian ng buhay dahil sa nasabing sakit.

Sa datos ng DOH, simula Enero 1 hanggang Marso 30, 2024 ay nakapagtala na ito ng 1,112 kaso ng pertussis sa Pilipinas, o halos 34 na ulit umanong mas marami kumpara sa 32 kaso lamang na naitala noong nakaraang taon at mula sa naturang kabuuang bilang, 54 pasyente naman umano ang nasawi.

Sa naturang kabuuang bilang, 77% ang mga batang wala pang limang taong gulang ang edad habang ang mga nagkakaedad naman ng 20-taong gulang pataas ay nasa 4% lamang.


Ayon sa DOH, sa nakalipas na anim na lingo ay nakitaan rin umano nila ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng pertussis ang mga rehiyon ng Eastern Visayas, Cagayan Valley, CARAGA, Central Luzon, at Cordillera Autonomous Region.

Maaari pa umano itong mabago dahil sa late consultations at reports, gayundin ay maaaring hindi pa makita sa datos ang epekto ng tumataas na immunization efforts ng pamahalaan.


Nagbigay ng katiyakan ang DOH na patuloy itong nagsasagawa ng mga pamamaraan upang mapigilan ang patuloy na pagtaas ng mga kaso ng pertussis, kabilang na ang pagpapaigting pa ng kanilang pagbabakuna laban dito.

“Even as Pertussis cases are rising, the Department of Health (DOH) assures the public that outbreak response immunization is underway,” ayon sa DOH.


Samantala, sinabi ng DOH na ang stock ng national government ng pentavalent (“5-in-1”) vaccine, na dating iniulat na mayroon pang 64,400 doses hanggang noong Marso 25, ay unti-unti na rin umanong nauubos sa ngayon.

Gayunman, ipinag-utos na anila ni Health Secretary Teodoro J. Herbosa ang paggamit ng iba pang bakuna, kabilang na ang Diphtheria-Tetanus-Pertussis (DTP) upang maiwasan ang pagkakaroon ng gaps habang hinihintay pa nila ang pagdating ng bagong batch ng tatlong milyong pentavalent vaccines.

Tags: Department of Health (DOH)

You May Also Like

Most Read