BILANG patunay na patuloy na umiiral ang performance at merit base system sa promotion sa hanay ng kapulisan ay inihayag ng Philippine National Police na may 43,909 pulis ang umakyat ng ranggo nitong nagdaan isang taon.
Sa isang pahayag ay sinabi ni PNP chief PGen Benjamin Acorda, Jr. na ngayong taon ay halos 44,000 ang bilang ng mga police commissioned mula tinyente hanggang heneral at maging sa hanay ng non-commissioned officers mula master sgt. hanggang patrolman ang umangat at na-promote sa mas mataas na ranggo.
Sinabi pa ni Gen Acorda na performance at merit-based ang kanilang naging basehan para sa promosyon ng mga pulis na bahagi ng kanilang regular promotion cycle sa kanilang organisasyon.
Kaugnay nito, mayroon ding 607 na mga police commissioned officers ang nakatakdang italaga ni PNP Chief Acorda sa PNP Officer Corps bilang line officers at technical service officers sa pamamagitan ng lateral entry kung saan karamihan sa mga ito ay mayroong ranggo ng qualified police non-commissioned officers at ilang sibilyan.
Magugunitang minsan nang binigyang-diin ni PNP chief Acorda na magiging merit-based ang promotion ng mga pulis kasabay ng kanyang layuning bigyang prayoridad ang morale at kapakanan ng PNP sa pagtatalaga sa puwesto ng kaniyang mga tao para mapataas pa ang morale ng mga ito sa gitna ng sigwadang sinasalubong ng Pambansang Pulisya, bunsod ng pagkakasangkot ng ilang opisyal sa kalakarang ng iligal na droga at iba pang katiwalian.














