Arestado ng Mga ahente ng National Bureau of Investigation Lucena District Office (NBI-LUCDO) ang isang lalaking nagpapanggap bilana occupational therapist at ang kanyang assistant, sa isinagawang entrapment operation noong Disyembre 19 ,2023 sa Lucban, Quezon.
Sinampahan ng R.A. 11241 (The Philippine Occupational Therapy Law of 2018) ang mga suspek na sina Jogie Rada Enal, may-ari ng ANGEL HANDS INTERVENTION CENTER (Angel Hands) at Anliza,assistant ng una, matapos maberipika na hindi rehistrado sa Professional Regulation Commission (PRC) bilang occupational therapist si Enal.
Nag-ugat ang operasyon ng NBI-LUCDO matapos na magreklamo ang isang nabiktima ni Enal noong Disyembre 9,2023.
Ayon sa complainant, nakita niya sa Facebook ang iniaalok na serbisyo ng Angel Hands kabilang na ang Occupational Therapy, Speech Therapy, at ABA Therapy sa mga bata na dumaranas ng down syndrome, autism, ADHD, learning disability, dyslexia at iba pa.
Napag-alaman na nakipag-ugnayan ang complainant sa Angel Hands dahil may tatlong- anyos siyang anak na pinaghihinalaan niyang may autism.
Nakipagkita kay Enal ang complainant at nagpakilala itong isang Occupational Therapist at ipinakilala nito si Lopez bilang Assistant Teacher/Caregiver ng Angel Hands.
Napag-alaman na nag-demand si Enal ng P1,000 bilang advance payment sa complainant para umano sa assessment ng bata at karagdagang P3,800 bago magsimula ang tatlong buwang therapy.
Gayunman, nadiskubre ng complainant na hindi lehitimong occupational therapist si Enal at marami na itong nabiktimang mga magulang na may mga anak na umano’y may autism.
Nagsagawa rin ng beripikasyon ang NBI sa PRC at nakumpirma na hindi lisensiyadong occupational therapist si Enal.
Noong Disyembre 19, 2023,nagkasa ng entrapment operation ang NBI sa klinika ng suspek sa Luban,Quezon at pagka-abot ng marked money ay inaresto ang suspek kasama si Lopez.