DINAKIP ng mga ahente ng National Bureau of Investigation – Olongapo District Office (NBI-OLDO) at NBI-Central Luzon Regional Office (NBI-CELRO) ang isang lalaking nagpapanggap diumano bilang ahente ng ahensiya sa isang entrapment operation na ginanap noong Hunyo 27,2024 Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA), Zambales.
Kinilala ni NBI Director Jaime Santiago ang suspek na si Lamberto Mariano Magalong,Jr. ,alyas ‘Lucky Magalong’ at Ramel Murciano.
Nilapitan umano ni Magalong habang nagpapakilalang NBI agent ang isang impormante ng NBI at pilit na inaalam ang mga pangalan ng mga smuggler ng sigarilyo sa Zambales para humingi umano ng protection money.
Lingid sa kaalaman ng suspek, inatasan ng ahente ng NBI -OLDO ang impormante na ibigay ang kanyang cellphone number at ipakilala na isa siyang smuggler ng sigarilyo.
Ilang oras pa ay tumawag na ai Magalong at nanghihingi ng P10,000 na goodwill money at P50,000 kada linggo na protection money.
Binantaan pa umano nito ang kausap na aarestuhin kapag hindi tumugon sa kanyang kahilingan.
Nagkasundo naman ang suspek at nagpanggap na cigarette smuggler na magkita sa isang lugar sa Subic Bay Freeport Zone (SBFZ) para dalhin ang pera.
Matapos iabot ng suspek ang marked money ay dito na siya inaresto ng mga ahente ng NBI.
Ang suspek ay sinampahan ng kasong paglabag sa Article 177 sa ilalim ng Revised Penal Code sa Zambales Prosecutor’s Office.