Dinakip mismo ng mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang isang lalaki na nagpapanggap bilang traffic enforcer habang nasa aktong nagmamando ng trapiko at nanghuhuli pa ng mga motoristang lumalabag sa batas-trapiko kahapon ng hapon sa kanto ng Quirino Avenue at Osmeña Street sa Malate, Maynila.
Ang suspek na si Marc Leonard Arquero Y Buzeta, 38, ng No. 311 Inocencio St. Barangay 95, Tondo, Maynila ay dinala sa Manila Police District – Special Mayor’s Reaction Team (MPD-SMaRT) para sa kaukulang imbestigasyon.
Napag-alaman na ang suspek ay inaresto ng mga MTPB traffic enforcers na sina Angelito C. Tongol ,Jr. at Joselito L. Galicio ,kapwa miyembro ng MTPB-Sector 5 dakong 1:35 Biyernes ng hapon sa nabanggit na. lugar.
Nakasuot pa ng uniporme at jacket ng MTPB ang suspek at may hawak na handheld radio nang maaresto.
Napag-alaman na nakatanggap ng reklamo ang tanggapan ni MTPB head Dennis Viaje kaugnay sa umano’y miyembro nila na nangongotong sa nasabing lugar kung kaya’t ikinasa ang nasabing operasyon na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.
Ang suspek ay sinampahan ng paglabag sa Art. 177 (Usurpation of Authority and Official Functions) at Art. 179 (Illegal Use of Uniform or Insignia) sa Manila Prosecutor’s Office.