IBINULGAR ni Senate Blue Ribbon Committee Vice Chairperson Sen. Erwin Tulfo nitong Martes ang mataas na posibilidad na ang mga lisensya ng mga kontratista ay inuupahan lamang ng mga pekeng kumpanya at maging ng ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa isang panayam, sinabi ni Tulfo na batay sa kanyang sources: “Hindi sila ang gumagawa—inuupahan lang nila ang kanilang lisensya.”
“Batay sa impormasyong natanggap ko, mayroon umanong tinatawag na ‘in-house construction.’ Hihiramin o bibilhin ng DPWH ang lisensya ng isang kontratista at sila na mismo ang gagawa ng proyekto. Minsan, wala talagang itinatayong proyekto,” dagdag pa ng senador.
Binanggit din ni Tulfo ang kahina-hinalang kilos ni Wawao Builders CEO Mark Allan Arevalo na hindi makasagot nang maayos sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee.
“Nanginginig siya. Kitang-kita ang sobrang nerbiyos niya,” ani Tulfo.
Gayundin, pinuna ni Tulfo si St. Timothy Construction President Maria Roma Rimando dahil sa kakulangan nitong maipaliwanag ang kanyang papel bilang pinuno ng kumpanya.
“Maniniwala ba kayo na sila ang tunay na may-ari? Para lang silang ordinaryong staff, hindi bilyonaryong kontratista. Kung ikaw ay may hawak na bilyon-bilyong proyekto, dapat marunong kang magpaliwanag nang maayos. Pero hindi sila ganoon,” diin ni Tulfo.
Dagdag pa rito, pinaghihinalaan din ng senador na may sabwatan sa loob ng Commission on Audit (COA) dahil patuloy na dumarami ang mga “ghost projects” at substandard na kontrata.
Ayon kay Tulfo, tungkulin ng COA na magsagawa ng personal na inspeksyon at huwag lang umasa sa dokumentong isinusumite.
“Trabaho ng COA na magbigay ng tapat na ulat. Ngayon, malinaw na hindi nila ginagawa ang kanilang tungkulin sa pagrereport ng mga substandard na flood control projects. Nakita ba nila? Kung oo, dapat iniulat na nila ito,” giit ng senador.
Binigyang-diin ng Blue Ribbon Vice Chair na ang layunin ng imbestigasyon ng Senado ay makagawa ng mga batas na magpapatigil sa anumang butas para sa katiwalian.
“Hindi dapat nakikialam ang mga mambabatas sa pambansang budget,” pagtatapos ni Sen. Tulfo.
Samantala, sinabi ni Tulfo na magandang simula para tuluyang malinis ang DPWH sa mga isyu ng korapsyon ang pagkakatalaga kay Sec. Vince Dizon bilang bagong hepe ng DPWH.
“Anim na buwan pa lang si Sec. Vince sa DOTR, nakita na natin kung paano siya kumilos—pag may reklamo, hindi pinapatagal, agad inaaksyunan. ‘Yan ang klase ng liderato na kailangan natin ngayon. Sa dami ng lumalabas na impormasyon tungkol sa mga anomalya sa flood control projects, kailangan natin ng kalihim na agresibo at hindi natutulog sa mga ebidensya. Dapat aksyon agad, hindi palusot. Kaya umaasa tayo na sa pamumuno ni Sec. Dizon sa DPWH, matutuldukan na ang sabwatan ng mga kontratista, ilang opisyal ng DPWH, at iba pang public officials,” ani Tulfo.














